Monday, February 11, 2013

Michelle McGonagle ng WFP bisita sa Sorsogon



agricorner.com

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Pebrero 11 (PIA) – Bisita ngayong araw dito sa lalawigan ng Sorsogon ang project coordinator ng World Food Program (WFP) na si Michelle McGonagle. Ito ang kauna-unahang pagbisita ni McGonagle sa Sorsogon na magtatagal hanggang sa Miyerkules.

Ang WFP ay isang tanyag na makataong ahensya na tumutulong sa mga mahihirap na bansa na malabanan ang kagutuman at matulungan ang mga lugar sa mundo na may malaking kalantaran sa anumang uri ng panganib.

Layunin ng pagbisitang ito ni McGonagle na matukoy ang pag-usad ng implementasyon ng ikalawang yugto ng kanilang programang tinaguriang “Technical Support to the Government of the Philippines for Disaster Preparedness and Response” o mas kilala bilang DPR Programme sa mga bayan ng Juban, Irosin, Casiguran at Sta. Magdalena. Ang nasabing programa ay inilunsad Setyembre noong nakaraang taon.

Matapos ang ginawang courtesy visit kaninang alas-nueve ng umaga kay Sorsogon Governor Raul R. Lee, ay nakikipagpulong naman ito ngayon sa mga opisyal at kasapi ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), alkalde at Municipal DRRM Officers ng apat na mga munisipyo ng lalawigan at mga stakeholder upang mapakinggan ang mga ulat ukol sa programang ipinatutupad.

Bukas ay inaasahang nasa mga bayan ito ng Irosin at Sta Magdalena upang bisitahin ang Operation Center ng Irosin at makipagpulong sa mga opisyal ng Sta Magdalena upang mapag-usapan ang evacuation plan nito.

Sa Miyerkules ay bibisita ito sa bayan ng Juban at Casiguran upang makisalamuha naman sa lokal na komunidad partikular sa mga aydentipikadong lugar kung saan ipinatutupad ang Phase II ng DPR Programme.

Ang Sorsogon ay isa sa mga mapapalad na nabigyan ng tulong ng WFP at ng mga partner-funder nito, ang United States Agency for International Development’s Office of US Foreign Disaster Assistance (USAID/OFDA) at Australian Aid Agency (AUSAID).

Sa lokal na lebel naman ay katuwang ng WFP sa pagpapatupad ng programa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Interior Local Government (DILG), Office of Civil Defense (OCD), provincial at municipal government, Bicol University at Green Valley Development, Inc. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: