Wednesday, November 21, 2012

Kandidato sa pagka-alkalde ng Sorsogon City nagkaroon ng substitution



Ni: Bennie A. Recebido

photo source: smolec.pl
LUNGSOD NG SORSOGON, Nobyembre 21 (PIA) – Isang press conference ang ipinatawag ni dating gobernador at dating City Mayor ng Sorsogon Sally A. Lee ngayong umaga kaugnay ng ginawang substitution para sa tatakbong kandidatong Mayor ng Sorsogon City sa ilalim ng partidong United Nationalist Alliance (UNA).

Pinalitan ni Sally Ante-Lee ang anak nitong si Christine Lee-Balita na una nang nagsumite ng kanyang Certificate of Candidacy para sa posisyong city mayor sa darating na 2013 midterm election.

Si Sally Lee at Christine Lee-Balita ay kapwa nasa ilalim ng partidong UNA.

Ayon sa mga Sorsoganon, magiging mainit ang labanan ng magkabilang panig lalo pa’t one-on-one ang magiging labanan ni Sally Lee kay incumbent City Mayor Leovic Dioneda. Si Dioneda ay nasa ilalim naman ng partidong Nationalist People’s Coalition (NPC).

Si Sally Lee ay ang kauna-unahang naging city mayor mula nang maging lungsod ang Sorsogon noong taong 2000 at naging kauna-unahang babaeng gobernador ng lalawigan ng Sorsogon noong 2007. Siya rin ang asawa ng kasalukuyang gobernador ng Sorsogon na si Governor Raul R. Lee. (BARecebido, PIA Sorsogon)



No comments: