Monday, November 19, 2012

LGU ng Barcelona, determinadong mapalago ang produksyon ng saging sa kanilang bayan


Ni: Bennie A. Recebido

Photo courtesy of DTI Sorsogon
LUNGSOD NG SORSOGON, November 19 (PIA) – Determinado ang lokal na pamahalaan ng Barcelona sa pamamagitan ng kanilang Municipal Agriculture Office na magkaroon ng detalyadong programa sa pagpapalago ng mga pananim na saging partikular na ang “lakatan”.

Ito ay matapos simulan ng nasabing bayan ang pagkakaroon ng 21 ektaryang banana plantation mula sa labing-siyam (19) na upland barangay dito kung saan “lakatan” ang pangunahing uri ng saging na nais nilang palaguin.

Matatandang una nang ipinalabas ang mga ani ng nasabing produkto sa isinagawang Trade Fair ng Department of Trade (DTI) sa kapitolyo kasabay ng pagdiriwang ng Kasanggayahan Festival ngayong taon.

Ayon kay Barcelona Mayor Manuel “Wowo” Fortes, Jr., dahilan sa kanilang magandang ani ng nasabing mga saging, nakikinita na ng lokal na pamahalaan ng Barcelona na kaya nilang maging isa sa mga prodyuser at supplier ng lakatan hindi lamang dito sa lalawigan kundi maging sa iba pang lugar, gaya ng Davao na siyang itinuturing na Banana Capital ng Pilipinas.

Ayon pa kay Fortes, sa kabila nang pagiging 5th class municipality ng Barcelona, positibo pa rin silang kaya nilang matugunan ang mga pangangailangan ng mga magsasaka lalo pa’t isa rin itong agrikultural na bayan na mayaman hindi lamang sa mga produkto ng saging kundi maging ng niyog, abaka at lamang-ugat o root crops.

Photo: DTI Sorsogon
Samantala, maliban sa produksyong farm-based, naghayag din ng interes ang Barcelona Rural Improvement Club (RIC) na binubuo ng mga kasaping mula sa walong barangay dito na gawin din ang crop-based processing tulad ng mga ginagawang taro at banana chips.

At upang maipakilala ang bagong teknolohiya na makakatulong sa mga magsasaka na nais ding madagdagan pa ang kanilang kita mula sa mga produktong nabanggit, patuloy na nagsasagawa ang LGU-Barcelona ng mga pagsasanay nang sa gayon ay matutunan ang mga istratehiya o pamamaraan sa pagsisimula ng negosyo hanggang sa lumago ito.

Sa ngayon, pinaghahandaan ng Barcelona ang pagpapalawak pa ng kanilang produksyon at pagpapakilala ng mga produktong mula sa saging upang tuluyan na itong maging patok sa mga pamilihan sa buong bansa. (BARecebido/HBinaya, PIASorsogon/DTI)

No comments: