Wednesday, November 21, 2012

Comelec nilinaw ang ilang isyu ukol sa substitution o pagpapalit ng tatakbong kandidato



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Nobyembre 21 (PIA) – Nilinaw ni Sorsogon City Election Supervisor Atty. Ryan Filgueras ang ilang isyu ukol sa substitution o pagpapalit ng mga kakandidato para sa halalan sa darating na 2013.

Ayon kay Atty. Filgueras, hindi maaaring mag-substitute ang isang taong una nang nagsumite ng Certificate of Candidacy (CoC) upang tumakbo para sa isang partikular na posisyon para sa isang kandidato na ma-withdraw ng kanyang kandidatura.

Sinabi ng opisyal na papayagan lamang ng tanggapan ng Comelec na makapag-substitute ang isang tao na may dalang Certificate of Nomination and Acceptance mula sa kinabibilangan na partido habang hindi naman maaaring mapalitan ang isang indibidwal na independent candidate.

Binigyang-diin ni Atty Filgueras na hanggang sa ika-21 ng Disyembre na lamang tatanggap ng withdrawal ang Comelec upang hindi malagay sa alanganin ang gagawing pag-iimprenta ng mga balota.

Samantala, wala naman umanong idineklarang nuisance candidates sa lalawigan ng Sorsogon.

Ito ang naging pahayag ni Comelec Sorsogon Election Supervisor Atty Calixto Aquino dahilan sa wala umano silang natanggap na anumang reklamo patungkol sa sinuman sa nagsumite ng kanilang Certificate of Candidacy sa Sorsogon. 

Dahilan dito ay maari na nila umanong simulang i-configure ang pinal na balota sa darating na ika-2 ng Enero sa susunod na taon para sa darating na halalan sa Mayo 2013.

Wala din umanong pagbabagong inaanunsyo ang Comelec para sa iskedyul ng pagpapalit ng kandidatong tatakbo sa eleksyon sa 2013 at nananatili umanong sa Disyembre 21, 2012 ang huling araw ng substitution. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments: