Monday, March 8, 2010

MGA KABABAIHAN BINIBIGYANG-PUGAY NGAYONG MARSO

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (March 8) – Muling binibigyang pugay ng Provincial Gender and Development Council (PGADC) ang mga kababaihan sa pagdiriwang ngayong Marso ng buwan ng mga kababaihan.

Sa pakikipagtulungan sa Sorsogon Women’s Network for Development (SWND) isasakatuparan ng PGADC ang pagsasama-samang muli ng mga kababaihang lider sa buong lalawigan ng Sorsogon sa pamamagitan ng isang forum sa ika-18 ng buwang ito.

Isa sa mga naimbitahang maging panauhing tagapagsalita ay ang respetadong Gender and Peace advocate na si Ms. Yasmin Busran-Lao.

Ayon kay Provincial Board Member Rosario “Cherry” Diaz, chair Committee on Women and Family Affairs, bibigyang-tuon sa forum ang mga mahahalagang kontribusyong nagawa ng Gender and Development Program sa mga naging benepisyaryo nito sa ilalim ng pagpapatupad ng PGADC.

“Napapanahon din ang temang “Babe, Tagumpay Ka ng Bayan” lalo pa’t ilang mga kababaihan, hindi lamang sa bansa kundi maging sa lalawigan na rin ang nagdala na ng tagumpay sa kani-kanilang ‘field of interests’ dahilan upang ipagmalaki sila ng mga Pilipino at ng bansang Pilipinas,” pahayag ni Diaz.

Partikular ding binigyang-diin ni Diaz ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga kababaihan lalo ngayong nalalapit na ang halalan.

Aniya, dahilan sa malaking partisipasyon at pakikiisa ng mga kababaihan, naging matagumpay ang pagkakapasa ng Magna Carta for Women kung saan mas kinikilala dito ang pagkakapantay-pantay at pagiging magkatuwang ng mga lalake at babae.

Inihayag pa ni Diaz na maging sa Millenium Development Goals ay malinaw ding nakasaad ang pag-aalis sa ‘gender disparity’ at ang pagbibigay kapangyarihan sa mga kababaihan na maging katuwang sa pagsusulong ng kaunlaran ng komunidad.

Kaugnay pa ng selebrasyon ngayon, umaasa din si Diaz na ang Buwan ng mga Kababaihan ang patuloy na magbibigay inspirasyon at malawak na pang-unawa ng mga ito upang palaguin ang mga kakayahan nito pagdating sa micro-enterprise development at sa pagtulong sa pamahalaan upang matugunan ang mga isyu at pangangailangan ng mga kababaihang Pilipino. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: