Thursday, March 25, 2010

MGA LOOK SA REHIYON NG BIKOL LIGTAS NA SA RED TIDE

SORSOGON PROVINCE (March 22) – Ligtas na sa nakalalasong red tide ang mga look sa rehiyon ng Bikol na dati ay naging positibo dito.

Ito ang nakalap na impormasyon ng PIA Sorsogon mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Regional Office V na nakabase sa Pili, Camarines Sur nito lamang umaga.

Base sa pinakahuling Shellfish Bulletin na ipinalabas ng BFAR, ang shellfish bulletin no. 6 na may petsang March 17, 2010, lumalabas dito na negatibo na sa red tide toxin at paralytic shellfish poisoning ang Sorsogon Bay sa Sorsogon City, Juag Lagoon sa Matnog, Sorsogon at mga kostal na katubigan ng Mandaon at Milagros sa lalawigan ng Masbate.

Sa kasalukuyan ang mga sumusunod na lamang na mga katubigan sa bansa ang positibo sa red tide at paralytic shellfish poisoning: ang Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur, Bislig Bay sa Bislig City sa Surigao del Sur, Murcielagos Bay sa Zamboanga del Norte at Misamis Occidental. Idinagdag na rin ngayon sa listahan ng mga positibo sa red tide toxin ang Matarinao Bay sa Eastern Samar.

Subalit, inihayag naman ni Gil Adora, Officer In Charge ng laboratory ng BFAR Diliman sa Quezon City na kahit pa nga deklaradong negatibo na sa red tide ang ilang mga katubigan at lifted na ang shellfish ban sa ilang lalawigan sa bansa, patuloy pa ring pinag-iingat ang publiko sa pamamagitan ng paglilinis ng mabuti ng mga lamang-dagat na kanilang kakainin partikular ang mga shellfish.

Dapat din aniyang lutuin ito ng mabuti nang sa gayon ay maiwasan ang mga negatibong idudulot nito sa kalusugan ng tao.

Binigyang-diin din niya na lalo’t may El Niño ngayong nararanasan sa bansa, malaki din ang posibilidad na muling mamukadkad ang organismo ng red tide anumang oras kung kaya’t makabubuti aniyang laging subaybayan ng publiko ang pinakahuling mga kaganapan at resulta ng isinasagawang monitoring ng BFAR. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: