Friday, May 14, 2010

PAGTATASA SA HALALAN 2010

SORSOGON CITY (May 14, 2010)– Sa pagtutulungan ng mga kinauukulan dito sa Sorsogon, maayos at matagumpay na naisagawa ang kauna-unahang automated election dito sa bansa.

Sa lalawigan ng Sorsogon, kabilang sa mga naging mapamatyag at naging handa ay ang Phil. Coast Guard Sorsogon City Station, Bureau of Fire Protection-Sorsogon City, Police Provincial Office, Philippine Army, PPCRV at ang mga opisyal sa bawat Barangay.

Ang mga ito ay pawang naghayag na naging matiwasay ang halalan sa kabuuan at wala silang naitalang mga untoward incidences kaugnay ng ginawang botohan.

Samantala, mayroon ding naitalang pagpalya ng Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines sa ilang mga presinto dito subalit naging handa naman ang Comelec at SMARTMATIC personnel sa pagresponde sa mga problema kung kaya’t lahat naman ay nakaboto.

Kabilang sa mga kinaharap na suliranin ay ang mahabang pila ng mga botante at mabagal na sistema ng botohan.

Naghayag din ng mga suhestyon ang ilang obserbador para sa mga susunod pang automated election. Ilan sa mga ito ay ang paglalagay ng entrance at exit sa mga polling precincts, paglalagay ng special lane para sa mga senior citizens at mga may kapansanan.

Mas magiging madali din anila, ang gagawing botohan kung makakapag-accommodate ng mas maraming botante sa isang polling precinct at hindi lamang lilimitahan sa sampu sapagkat mas mahaba ang oras na nakaistambay lamang ang PCOS machine.

Mas mainam din anilang, magbigay ng mga numero sa bawat botante kung saan nakabase sa kanilang numero ang oras din ng pagboto upang hindi rin magsiksikan sa mga voting centers.

Subalit naranasan man ang ganitong mga eksena, sa kabuuan ay masasabing tunay na naging matiwasay ang naganap na halalan at nagpakita din ng positibong resulta ang ipinakitang partisipasyon ng mga mamayan. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: