Tuesday, July 13, 2010

BFAR MULING NAGPAALALA SA PUBLIKO NA MAG-INGAT SA PARALYTIC SHELLFISH POISONING

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (July 13) – Patuloy ang paalala ngayon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa publiko na mag-ingat sa paralytic shellfish poisoning dala ng red tide.

Ito ay matapos na muling maging positibo sa red tide toxin ang look ng Sorsogon ayon sa pinakahuling pag-aaral ng BFAR nito lamang nakaraang linggo.

Mataandaang una nang idineklarang negatibo sa paralytic shellfish poisoning ang ilang lamang-dagat sa look ng Sorsogon noong Marso ngayong taon subalit makalipas lamang ang halos ay apat na buwan ay muli itong naging positibo matapos na makapagtala ng mas mataas na toxicity level sa bilang na 86 microgram kumpara sa tolerable limit nito na 60 microgram per 100 grams of shellfish meat.

Sa mga nakaraang panayam naman kay BFAR OIC Provincial Fisheries Officer sinabi nitong hindi nakapagtatakang muling bumalik ang red tide phenomenon sa Sorsogon Bay dahilan sa mga biglaang pagbabago ng panahon ngayon. Maliban pa aniya sa katotohanang kapag nakontamina na ng organismo ng red tide ang isang katubigan malaki na ang posibilidad na paulit-ulit itong magiging positibo sa PSP.

Naghayag naman ng pagkadismaya ang mga residenteng nanginginabang sa industriya ng shellfish dito matapos na ideklarang muli ang shellfish ban sa buong lalawigan.

Ayon sa ilang mga residente malaking dagok na naman ito sa kanila lalo doon sa mga naglagay muli ng mga tahungan at ngayong nagsisimula pa naman sana silang makabangon mula sa malaking pagkakalugi simula nang ipatupad ang ban noong 2006. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: