Thursday, July 8, 2010

WILD FIRE SA MT. BULUSAN SORSOGON

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (July 8) – Mahigit isang ektaryang bahagi na ng Bundok Bulusan ang naapektuhan kaugnay ng naganap na wild fire doon kahapon.

Ayon kay Philip Bartilet, pangulo ng Aggrupation of Advocates for Environmental Protection, Inc. o AGAP-Bulusan, sa impormasyon ng kanilang forest guards, halos ay mag-iisang lingo nang may nakikitang usok sa isang bahagi ng bundok, subalit kahapon nga lang ito sumiklab.

Apektado ng nasabing sunog ang isang bahagi ng bundok na sakop ng Brgy. San Francisco sa Bulusan, Sorsogon.

Sinabi ni Bartilet na masyadong masukal ang lugar kung kaya’t nahirapan ang kanilang mga forest guards na akyatin ang lugar.

Subalit, sa agaran namang aksyon ng mga tauhan ng Department of Natural Resources, Provincial Disaster Coordinating Council, LGU Bulusan, AGAP-Bulusan, ang NGO na nagmamantini sa kaayusan ng Bulusan Volcano Natural Park at ng PINAGSAMA, isang people’s organization doon, ay nakapaglagay sila ng fire line upang mapigilan ang paglawak pa ng perwisyo ng sunog.

Sa kasalukuyan ay patuloy pa ang mga awtoridad sa pag-iimbestiga ng posibleng sanhi ng naganap na sunog sa bundok, subalit hindi rin nila isinasantabi ang posibilidad na maaaring nagmula ito sa ilang mga residente na kumukuha ng mga pukyutan sa bundok ng Bulusan.

Maliban sa mga likas na kayamanan ng bundok na nasunog ay wala namang naitalang nasugatan o di kaya’y namatay sa naganap na insidente.

Kaninang umaga ay muling tumulak ang grupo ng PDCC upang gawin ang follow-investigation at iba pang aksyong kailangan upang hindi na maulit ang kahalintulad na pangyayari.

Ang lugar na naapektuhan ay hindi kabilang sa dinaraanan ng mga mountain climbers ng Bundok Bulusan. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: