Wednesday, August 18, 2010

ANIM NA TAONG GULANG PATAY SA PARALYTIC SHELLFISH POISONING

Tagalog News

SORSOGON PROVINCE (August 18) – Sa kabila ng mahigpit na babala at panawagan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa publiko na mag-ingat sa pagkain lalo na ng mga ipinagbabawal na lamang dagat mula sa Sorsogon Bay ay may ilan pang mga Sorsoganon ang matigas pa rin ang ulo.

Ito ay matapos na muling makapagtala dito ng anim na biktima ng Paralytic Shellfish Poisoning na pawang kabilang sa Pamilya Espaldon ng Sitio Estorum, Brgy. Trece Martires, Casiguran, Sorsogon nito lamang nakaraang Linggo, August 15, kung saan isa ang kumpirmadong namatay at anim ang kasalukuyan pa ring nakaconfine sa Hibo Francisco Medical Center sa bayan ng Casiguran.

Kinilala ang mga biktima na sina Bernabe, 39 years old at tatay ng iba pang mga biktima na sina Lyn Vanessa, 16, Beverly, 12, John Bernard, 11, Brix, 6, at Bryan, 1 year old and 6 months, habang ang namatay ay kinilala namang si Brent Espaldon, 6 na taong gulang at twin brother ni Brix.

Ayon kay BFAR Sorsogon OIC Provincial Fishery Officer Gil Ramos, halos mga limang oras matapos kumain ng baloko ang pamilya para sa kanilang pananghalian ay nakaramdam na ang mga ito ng pamamanhid ng katawan, pagsusuka at pagkahilo kung kaya’t agad silang isinugod sa ospital.

Matatandaang sa pinakahuling Shellfish Bulletin No. 18 na ipinalabas ng BFAR Central Office na may petsang August 11, 2010, nanatiling positibo sa red tide toxin ang katubigan ng Sorsogon Bay kung kaya’t mahigpit pa ring ipinatutupad ang total shellfish ban sa buong lalawigan.

Una na ring inihayag ni Francisco Dollesin, marine biologist ng BFAR Sorsogon, na positibo pa rin sa presensya ng pyrodinium bahamense ang mga katubigan at laman ng mga shellfish sa lahat ng lugar na sakop ng Sorsogon Bay base na rin sa mga isinasagawa nilang regular meat and water sampling.

At sa resultang ito ng kanilang regular sampling, nananatiling ang katubigan ng Casiguran na sakop ng Sorsogon Bay ang may pinakamataas na toxicity level partikular sa mga lugar ng Brgy. Ponong at Brgy. Boton. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: