Wednesday, August 25, 2010

BLOOD FREEZER KAILANGAN NG PNRC SORSOGON

Tagalog News

SORSOGON PROVINCE (August 25) – Umapela si Philippine National Red Cross Sorsogon Chapter Administrator Salvacion Abotanatin sa mga potential sponsors o donors na maaaring makapag-donate sa kanila ng blood freezer.

Ayon sa kanya, ilang taon na ring walang blood freezer ang Red Cross Sorsogon matapos na tuluyan nang masira ito dahilan sa kalumaan na rin.

Aniya, kung may blood freezer ang PNRC Sorsogon ay may mas marami pa sanang mga dugo ang maiimbak at mas marami ding mga mangangailangan ang mabibiyayaan nito.

Inihayag din niyang sa kasalukuyan ay nakikipag-tie-up sila sa Sorsogon Provincial Hospital upang may mapag-imbakan sila sa mga donasyong dugo sa kanila.

Ibinigay niyang halimbawa ang mga nakuhang dugo sa nakaraang pagdiriwang ng blood donors month noong Hulyo kung saan ay nakalikom sila ng labingwalong 500 cc bags ng dugo na matapos masuri ng Department of Health Region V ay ibinalik na sa Sorsogon at kasalukuyang nakaimbak sa Sorsogon Provincial Hospital upang maipanustos sa mga mangangailangan nito.

Samantala, nilinaw din niya kung saan napupunta ang perang sinisingil sa mga kaanak ng pasyenteng kumukuha ng dugo sa ospital.

Aniya, hindi dugo na galing sa donor ang binabayaran dito kundi ang mga laboratory fees para sa isinasagawang screening o testing ng dugo upang matiyak na ligtas at malinis ito bago tuluyang isalin sa pasyente. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: