Tuesday, October 12, 2010

SORSOGON CITY NAGSASAGAWA NG LEGISLATIVE TRACKING

Tagalog News

SORSOGON PROVINCE (Oct. 12) – Isang Legislative Tracking ang isinasagawa ngayon ng Sorsogon City na magiging sandata ng pamahalaang lokal ng lungsod upang makapagpatupad ng maayos at napapanahong mga programa para sa ikauunlad ng lungsod ng Sorsogon.

Ayon kay Mandy Lucila, chief of staff ng vice-mayor’s office, sa pamamagitan ng isang ordinansa, nais ng tanggapan ni Sorsogon City Vice Mayor Robert Rodrigueza at ng mga kasapi ng Sangguniang Panlungsod na makapagsagawa ng isang legislative tracking upang tukuyin ang mga existing ordinances na hindi na napapanahon at dapat nang baguhin o palitan.

"Ang hakbang na ito ay bahagi ng computerizatuio program ng lungsod at isa din sa mabisang hakbang upang maiwasan ang duplication o pagkakahalintulad ng mga ordinansang nais isulong at ipasa ng legislative body," dagdag pa niya.

Sa pahayag pa ni Lucila, sinabi nitong lahat ng ordinansa ng lungsod ay ipapasok sa isang database system nang sa gayon ay mas magiging madali sa mga kinauukulan ang pagtukoy sa mga ordinansang dapat na ipatupad agad ng lokal na pamahalaan at pagtukoy sa mga ordinansang kailangang rebisahin na ng Sangguniang Panlungsod.

Samantala, positibo naman si Vice Mayor Rodrigueza at ang mga kasapi ng Sangguniang Panlungsod na bago matapos ang taon ay tuluyan nang maipapasa ang ordinansang sasaklaw sa hakbang na ito. (Bennie A. Recebido,PIA Sorsogon)

No comments: