Monday, October 25, 2010

SORSOGON ENTREPRENEURS NAKAPAGTALA NG MAHIGIT P2-M KITA SA GINAWANG ORGULLO KAN BICOL REGIONAL TRADE FAIR

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE – Pumangalawa ang lalawigan ng Sorsogon sa nakapagtala ng pinakamalaking kita sa isinagawang 14th Orgullo kan Bikol - Regional Trade Fair (OKB-RTF) na ginanap sa SM Megamall, Manila, noong unang linggo ng Oktubre ngayong taon.

Ayon kay DTI Provincial Head Leah Pagao, umaabot sa P2,087,197.50 ang naitalang kinita ng mga lumahok na Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) mula dito sa Sorsogon.

Pumangalawa ang Sorsogon sa Camarines Sur na nakapagtala naman ng P2,312,797.00 na kita. Sa kabuuan ay nakaipon ang OKB ng total sales na P7,930,128.00 mula sa anim na lalawigan sa rehiyon ng Bicol.

Samantala, sa mahigit isangdaang manufacturers at exhibitors na sumali, tatlumpo ang nakilahok na mga MSMEs mula sa Sorsogon, kung saan ipinakita nila ang mga natatanging industriya ng lalawigan tulad ng bags, baskets, housewares, furnitures, furnishings at iba pang homestyle and living products, pati na rin ang mga pagkaing gawa sa pili, prutas, halamang-ugat, gulay at mga marine products.

Ayon kay Luth Samson-Elizaga ng Coastal CORE, dagdag karanasan at exposure sa kanila ang ginawang trade fair lalo na’t nabigyan ng pagkakataong maipakilala sa mas malalaking mamimili ang mga produktong gawa ng kanilang mga partners sa komunidad.

Aniya, sa katunayan, ilang mga wholesalers na ang kumontak sa kanila upang umorder ng kanilang handicrafts.

Nakilahok din sa OKB ang mga kinatawan ng Sorsogon Provincial Tourism Office sa pangunguna ni Provincial Tourism Officer Cris Racelis bilang institutional exhibitor.

Ang Orgullo kan Bikol - Regional Trade Fair ang pinakamahabang trade fair sa Pilipinas na inorganisa at pinangungunahan ng Department of Trade and Industry. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: