Friday, December 3, 2010

MABILISANG PAGLILITIS SA MGA KASO NG BILANGGO SA SPJ IPINAG-UTOS

Tagalog News

SORSOGON PROVINCE – Ipinag-utos ni Sorsogon Governor Raul Lee sa mga abogado at huwes dito ang mas mabilisang paglilitis sa mga kaso ng mga nakapiit sa Sorsogon Provincial Jail.

Ayon kay Provincial Jail Warden Major Josefina Lacdang, matapos ang pakikipagpulong niya kay Gov. Lee, tiniyak nito sa kanya na mas bibilis na ngayon ang paglilitis sa kaso ng mga bilanggo lalo’s nagbigay na rin ng direktiba ang gobernador sa mga abogado aat huwes na bigyang prayoridad ang kanilang mga kaso.

Ayon kay Lacdang hindi rin makatao at makatarungan sa isang tao na magdusa sa loob ng bilangguan ng lampas sa dapat sana’y hatol sa kanya kung nalitis agad ang kanilang kaso.

Sinabi din ni Lacdang na labingdalawang bilanggo din ang hindi maipagpatuloy ang paglilitis dahilan sa pagkakaroon nito ng diperensya sa pag-iisip sanhi ng mga pinagdadaanan nilang depresyon, subalit matapos ang mahigit isang buwang regular at maayos na medikasyon ay maaari na muling humarap sa hukuman ang mga ito.

Sa ngayon aniya ay mayroon na silang 326 na bilanggo kung saan 14 ang mga babae at 312 naman ang mga lalaki.

Lahat diumano ito ay mga detention prisoners, ibig sabihin on-going ang paglilitis sa kanilang kaso, habang ang mga nahatulan ay naipadala na lahat sa muntinlupa upang doon na nito tapusin ang kanilang hatol.

Kaso sa droga, murder at rape ang tatlong nagungunang kaso ng mga bilanggo habang pang-apat at panglima naman ang homicide at robbery.

Mga kaso sa droga at estafa naman ang karamihan sa mga kasong kinakaharap ng mga babaeng bilanggo. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)                            


No comments: