Thursday, December 23, 2010

PINAKAMATAAS NA TAX COLLECTION EFFICENCY SA BUONG BIKOL NAKUHA NG SORSOGON CITY


Tagalog News

SORSOGON PROVINCE – Muling napatunayan ng Sorsogon City ang galing nito pagdating sa koleksyon ng buwis matapos na mahigitan nito ang anim pang mga lungsod sa buong rehiyon ng Bikol.

Ayon kay Bureau of Local Government and Finance Bicol OIC Regional Director Florencio Diño, naitala ng lungsod ng Sorsogon ang pinakamataas na koleksyon ng buwis nitong third quarter ng taong 2010.

Ayon pa kay Diño, 16.17 milyong piso ang itinakdang annual target for real property tax ng Sorsogon City subalit nakalikom na ito ng umaabot sa  58.68 milyong piso o 363% collection efficiency bago pa man pumasok ang huling tatlong buwan ng taon.

12.78 million pesos naman ang annual target nito para sa business tax collection subalit umabot ng 18.63 million pesos o 146% ang naging koleksyon nito.

Sa panig naman ng economic enterprise, 1.65 million pesos ang target collection ng lungsod subalit umabot sa 2.38 million pesos o 144% ang naging aktwal collection nito.

Pinuri din ni Diño ang naging pagsisikap ni OIC City Treasurer Roberto Dooc, OIC City Assessor Antonio Venturero at ang pamahalaang lungsod ng Sorsogon dahilan upang makapagtala ito ng pinakamataas na koleksyon sa buwis sa buong rehiyon.

Ayon naman kay Sorsogon City Information Officer Manny Daep, ang tagumpay nilang ito ay bunga na rin ng pinasiglang relasyon sa pagitan ng mga negosyante at ng lokal na pamahalaan, paglalagay ng mga pasilidad na magpapabilis sa mga transaksyon, at suporta na rin mula sa sektor ng negosyo at publiko na naging dahilan upang makamit ang progresibong reporma at hakbanging ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Sorsogon. (may ulat mula Kay Buddy Duka)

No comments: