Wednesday, December 8, 2010

PROVINCIAL AGRICULTURE OFFICE HINIHINTAY ANG AKSYON NG DA HINGGIL SA SUSPENSYON NG HIGH VALUE CROP SEEDS


Tagalog News

SORSOGON PROVINCE – Hinihintay na lang sa ngayon ng Provincial Agriculture Office ng Sorsogon ang resulta ng ipinatawag na pulong ni Department of Agriculture Secretary Proceso J. Alcala at ng mga matataas na opisyal ng DA noong Biyernes ukol sa magiging aksyon nito sa pagsuspinde sa distribusyon ng mga High Value Crop Seeds para sa mga magsasaka hindi lamang sa lalawigan ng Sorsogon kundi sa buong bansa.

Ayon kay Assistant Provincial Agriculture Officer Tess Destura, una na nilang ipinaabot kay Sen. Panginilan sa pagbisita nito dito kamakailan, ang kasalukuyang estado ng agrikultura ng lalawigan.

Ayon kay Destura bagama’t hindi naman gaanong naapektuhan ang mga palayan at ibang produktong agrikultural, karamihan naman sa mga puno ng saging at coconut plantations ay napuno ng abo, subalit dahilan sa malimit na pag-uulan ay madali ding nahuhugas ang mga ito.

Kung kaya’t mas pinagtuunan nila sa kanilang rekomendasyon ang petisyon na muling ibalik ang programa ng pamahalaan sa distribusyon ng HVC seeds na siyang hinahanap at hinihingi ngayon ng mga magsasaka dito sa lalawigan.

Matatandaang sa naging pagbisita kamakailan dito ni Senate Committee Chair on Agriculture and Food Sen. Francis Pangilinan ay nangako itong ipararating niya kay DA Secretary Proceso Alcala ang mga rekomendasyong ipinaabot ng mga opisyal ng lalawigan ng Sorsogon.

Nagbigay katiyakan din si Pangilinan na maliban sa isang milyong pisong tulong na ibinigay nya ay magpapadalang muli ng tulong ang kanyang tanggapan upang maiangat pa ang agrikultura sa lalawigan at muli ding maibangon ang mga kabuhayang nasira dahilan sa pag-alburuto ng bulkan sa ilang mga lugar dito. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)



No comments: