Friday, February 4, 2011

Tagalog News


Kolorum na mga traysikel sa lungsod inirereklamo
By: Jun Tumalad

Sorsogon City, February 4 – Patuloy na dumadaing at nananawagan ang karamihan sa mga drayber at legal na operator ng mga trysikel sa syudad na kung maari ay agarang aksyunan ng mga kapulisan at hulihin ang mga pribado at kolorum na trysikel na patuloy na namamasada sa syudad.

Ayon sa ilang mga obserbador, isa sa tinitingnang dahilan kung bakit lantaran at walang takot ang mga ito na manguha ng mga pasahero ay dahilan na rin sa walang mga awtoridad na sumisita at nagpapatupad ng ordinansa sa paghuli sa mga kolorum na traysikel na dapat sana ay sinimulan nang ipatupad noon pang Agosto 2010.

Ipinananawagan ng mga legal na drayber at operators kay City Councilor Victorino Daria III, Chair, Committee on Franchise na kung maari ay bigyan naman nito ng atensyon ang transport sector lalo na ang mga trimobile dahilan sa malaki na ang pagkakalugi nila hindi lamang sa patuloy na pagtaas ng petrolyo kundi dahlia din sa patuloy na pakikipagsabayan ng mga kolorum sa kanilang operasyon na nakakaapekto ng malaki sa kinikita nila araw-araw.

Ayon pa sa mga ito, walang silbi din ang Values Formation Seminar para sa sektor ng transportasyon noong nakaraang Disyembre ng nakalipas na taon kung saan tinalakay doon ang kalayaan ng mga kolorum na makapamasada.

Sinabi naman ni Konsehal Daria na inaayos na nila diumano ang lahat ng mga plano upang maipatupad ang maayos na daloy ng trapiko sa kabisera ng syudad at matuldukan na rin ang problema sa mga kolorum na namamasada. (PIA Sorsogon)



No comments: