Tuesday, March 29, 2011

City Vice-Mayor’s League National Chapter nagbigay tulong sa biktima ng Mt. Bulusan


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, March 28 (PIA) – Nagbigay ng pinansyal na tulong noong nakaraang Huwebes at Biyernes ang City Vice-Mayor’s League National Chapter sa mga biktima ng kalamidad partikular ang pag-aalburuto ng Bulkang Bulusan.

Ayon kay Mandy Lucila, chief of staff ni Sorsogon City Vice Mayor  Robert Lee-Rodrigueza, kasama ang ilang mga bise alkalde mula sa iba’t-ibang mga lungsod sa bansa, mismong si Vice-Mayor  Rodrigueza ang nag-abot ng tseke kay Juban Mayor Jimmy Fragata at Irosin Mayor Eduardo Ong.

Abot–abot naman ang pasasalamat ng dalawang alkalde sa Vice Mayor’s League dahilan sa pagkakapili sa kanila upang maging benepisyaryo ng nasabing financial grant.

Nangako naman si Rodrigueza na pagsisikapan nila sa Liga na madagdagan pa ang tulong sa Juban at Irosin na siyang palagiang apektado sa tuwing mag-aalburuto ang Mt. Bulusan.

Inanunsyo din niya na pinaplantsa na nila ang mga plano para sa pagdating ni Vice Mayor’s League national president Isko Moreno dito sa Sorsogon upang mabisita din ng personal ang mga apektadong bayan.

Samantala, pinuri naman ng mga kasapi ng Vice Mayor’s League ang ipinakitang presentation of accomplishments at mga plano ng pamahalaang bayan ng Juban upang mapaangat ang kondisyon ng pamumuhay ng mga mamayan nito lalo na ang mga biktima ng kalamidad.

Matatandaang si Rodrigueza ang siyang vice president for Luzon ng Vice Mayor’s League national chapter. (PIA Sorsogon)


No comments: