Friday, March 4, 2011

Sorsogon City patuloy pang tumatanggap ng mga aplikanteng scholars

Tagalog News Release

Sorsogon City patuloy pang tumatanggap ng mga aplikanteng scholars
By: Francisco B. Tumalad, Jr.
         
Sorsogon City, March 3, (PIA) – Nagsimula nang tumanggap at patuloy pang tumatanggap ang Sorsogon City ng mga mag-aaral na nagnanais maging iskolar sa ilalim ng programang Linang Dunong ng lungsod.

Sa ipinalabas na guidelines ng City Scholarship Program desk, kinakailangang dumaan muna ang mga aplikante sa isang screening o background investigation na isasagawa nila upang makapasok sa scholarship program.

Kabilang sa mga rekisitos na kailangan ay ang mga sumusunod: dapat na kumikita lamang ng dalawampung libo hanggang limampung libong piso ang mga magulang ng magiging iskolar bawat taon, walang sariling tirahan o ari-arian, walang kapatid na naging benepisyaryo ng scholarship grant, desididong makapagtapos at kinakailangang makapasa sa qualifying exam.

Ang matatanggap na iskolar ay dapat na mag-enrol sa isang State College at makatatanggap ito ng full tuition fee, limang libong piso bawat semestere at dapat na mamantini ang 85% average taon-taon.

Sa testimonya ni city scholar Rheabelle Ibrada, kung sakali aniyang bumagsak sa unang semester ang iskolar, kinakailangang maitaas nito ang kanyang grado sa ikalawang semester upang mapanatili ang scholarship. Madi-disqualify ang iskolar kung bagsak ang grado nito sa buong school year.

Dapat din diumanong maging kabahagi ito ng mga civic activities at ilang selebrasyon ng lungsod at ipinagbabawal din ang pakikipagrelasyon hangga’t hindi pa nakakatapos ng pag-aaral.

Ayon pa kay Ibrada, prayoridad ng Linang Dunong program ang edukasyon para sa mga kabataan upang maiangat ang kalagayan ng mamamayang Sorsoganon.

Ang application na binuksan nila noong ika-dalawampu’t-isa ng Pebrero ay magtatagal hanggang sa March 25. (PIA Sorsogon)



No comments: