Tuesday, March 15, 2011

tagalog News Release


Transport group sa Sorsogon makikipagsabayan sa regionwide transport strike
Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, March 15, (PIA) – Matapos ang isinagawang pressconference ng Pinag-isang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON), Land transportation Coalition at Alyansang Makabayan kahapon, inanunsyo ng mga ito ang balak nitong makipagsabayan sa gaganaping regionwide transport strike sa darating na Miyerkules, March 16, mula alas 12:01 ng umaga hanggang alas-dose ng hatinggabi.

Ayon kay Eduardo Ferreras, presidente ng PISTON nais ng grupo na makipagsabayan sa gagawing transport strike upang kalampagin ang pamahalaan na gumawa na ng kaukulang hakbang upang mapigil ang patuloy na pagtaas ng halaga ng petrolyo sa kabila ng kinakaharap na kagutuman at kahirapan ng mga mamamayang Pilipino.
                                                                                 
Sinabi din ni Ferreras na ngayong taon lamang ay anim na ulit nang tumaas ang presyo ng petrolyo at aminado silang hindi nila maiiwasang ipasa sa publiko ang kanilang hinaing sa pamamagitan ng pagtaas sa singil sa pasahe.

Kabilang din sa panawagan nila ang pagbasura sa value added tax  na ipinapataw sa petrolyo at oil deregulation law sapagkat anila’y ang mga ito ay pabigat sa publiko at hindi naman nakokontrol ang pagtaas ng halaga ng petrolyo.

Nanawagan din sila sa mga hindi makikipagsabayan na iwasan ang pagsasabotahe tulad ng paglalagay ng mga pako at kung anu-ano pang mga harang sa kalsada at gawin pa ring mapayapa ang gagawing tigil-pasada.

Samantala, ayon sa ilang mga residente dito mas makabubuti na isubsidize na lamang ng pamahalaan ang value added tax na ipinapataw sa mga petroleum products upang maibsan ang bigat na dinadala ng mga mamamayan. (PIA Sorsogon)

No comments: