Thursday, June 16, 2011

Pangalawang serye ng Nationwide Philhealth Registration Day magpapaigting pa sa programang pangkalusugan ni P-Noy


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, June 16 (PIA) – Inanunsyo kamakailan ni Philhealth Field Officer Alfredo Jubilo sa ginawang pulong dito ang gagawing Nationwide Philhealth Registration Replication sa darating na June 25, 2011.

Tinaguriang “Philhealth Sabado, Magseguro, Magparehistro”, isa ito sa mga pangunahing aktibidad na tiyak na magpapaigting pa sa adyendang pangkalusugan ni Pangulong Benigno Aquino III, ang Universal Health Care.

Matatandaang una nang nagsagawa ng nationwide registration ang Philhealth noong October 2, 2010 upang mabigyang pagkakataon ang mga mahihirap na pamilya upang magkaroon ng akses sa basic social health services na inihahandog ng pamahalaan.

Ang ikalawang serye ng Philhealth registration ay gagawin sa Cumadcad National High School sa bayan ng Castilla para sa provincewide launching at sa Burabod Elementary School, lungsod ng Sorsogon para sa city launching.

Ayon pa kay Jubilo, hindi magtatapos sa June 25 ang Philhealth registration kundi magpapatuloy diumano ito sa kani-kanilang mga Local Government Units upang tuluyan nang makamit ang pangkalusugang adhikain ng administrasyong Aquino para sa mga Pilipino.

Sinabi naman ni Department of Health Provincial Health Team Dr. Napoleon Arevalo na sa buong rehiyon ng Bicol, tanging ang Sorsogon lamang ang mayroong provincewide launching kung saan mahigit apatnapung libo ang nakapag-enrol sa Philhealth.

Positibo si Arevalo na makukuha nila ang target population na kinabibilangan ng mga identified indigents, informal sector, philhealth members at no-members. (PIA Sorsogon)


No comments: