Wednesday, June 1, 2011

Tourism package ng Sorsogon pinagaganda pa ng DOT


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, June 1 (PIA) – Dahilan sa hindi na mapigilang pagtaas ng bilang ng mga turistang dumadayo sa Sorsogon partikular sa bayan ng Donsol, higit pang pinagaganda ngayon ng Department of Tourism (DOT) ang tourism package ng lalawigan ng Sorsogon.

Ayon kay DOT Bicol Regional Director Maria “Nini” Ravanilla, maliban diumano sa firefly watching na ikinabit nila sa Butanding tourism package, idinagdag na rin nila ang Island Hopping sa Ticao Island upang makita pa ng mga turista ang iba pang kagandahan ng Bicol at mahikayat din ang mga ito na mamalagi pa sa Donsol ng mga tatlo hanggang apat na araw.

Inihayag din ni Ravanilla na sa unang distrito ng Sorsogon, isasabay na rin nila ang Egret Bowl sa Pilar at nasa validation process na rin ang integration ng Pearl Farm na matatagpuan sa Malawmawan Beach sa bayan ng Castilla kung saan maari ring magdive ang mga turista doon.

Habang sa ikalawang distrito naman ng Sorsogon, patuloy din ang pagsasaayos at pagpapaganda ng mga tourism destinations partikular sa bayan ng Bulusan. Hinihintay na lang din nila diumano ang project proposal na isusumite ng AGAP Bulusan, isang non-government organization na katuwang ng LGU-Bulusan sa pamamahala sa kapaligiran ng Mt. Bulusan.

Binigyang-diin ni Ravanilla na malaking bahagi din sa pagsusulong ng turismo ang kooperasyon at inisyatiba ng mga lokal na pamahalaan. Aniya, karamihan ngayon sa mga lokal na opisyal ay nakatutok na sa pagpapaunlad ng kani-kanilang local tourism resources lalo pa’t tiyak na kayang buhayin ng turismo ang lahat ng sektor ng isang komunidad. (PIA Sorsogon)



1 comment:

Thunderbird Casino said...

This a good news for those who want to see the gentle giants in Donsol. They must develop Sorsogon in order to attract more tourists.