Friday, July 8, 2011

AKAP Kapitolyo Program ng provincial government pinaiigting

Ni: Bennie A. Recebido

The Provincial Capitol Building of Sorsogon
Sorsogon City, July 8 (PIA) – Dalawang magkahiwalay na pagpupulong ang ipinatawag kahapon ni Sorsogon Governor Raul R. Lee kaugnay ng pinaiigting na kampanya ngayon ng pamahalaang probinsyal ng Sorsogon sa pagmamantini ng kalinisan sa palibot ng Kapitolyo Probinsyal sa pamamagitan ng AKAP Kapitolyo Program.

Sa panngunguna ng Provincial Environment and Natural Resources – Local Government Unit (PENRO-LGU), unang ipinatawag sa umaga ang mga head of office ng National Government Agencies (NGAs) at kinahapunan ay isinunod naman ang mga provincial heads.

Sa pulong ay napag-usapan ang ilang mga suliranin, solusyon dito at mga hakbang na higit pang makapagpapaigting sa pagpapatupad at pagmamantini ng programang AKAP Kapitolyo kasama na rin ang mahigpit na pagsunod sa paghihiwa-hiwalay ng mga basura sa loob man o labas ng mga tanggapang nasa compound ng Kapitolyo.

Ang Oplan Linig at Atamanon an Kapalibutan kan Kapitolyo (AKAP Kapitolyo) Program, isang Environmental Management System (EMS) at Greening Program na ipinatutupad sa palibot ng Provincial Capitol Compound, ay sumusuporta sa programa ng pamahalaang nasyunal ukol sa pagpapatupad ng kalinisan, kaayusan, tamang pamamahala sa basura at pagbawas sa polusyon.

Suporta din ito sa Memorandum Circular No. 2011-70 na ipinalabas ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo noong May 13, 2011 bilang tugon na rin sa mahigpit na implementasyon ng mga probisyong nakasaad sa RA 9003.

Ang AKAP Kapitolyo Program ng pamahalaang probinsyal ng Sorsogon ay isa sa mga naging mekanismo upang kilalanin ng DENR Bicol at parangalan bilang Saringgaya Awardee noong 2009 ang lalawigan ng Sorsogon. (PIA Sorsogon)


No comments: