Tuesday, July 12, 2011

Pagkakaroon ng Agricultural Tourism pinag-aaralan

Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, July 11 (PIA) – Isinasaproseso na ng Sorsogon Provincial Tourism Council (SPTC) ang pagtukoy sa mga bukirin sa lalawigan na ngayon ay nalinang na at maaaring gawing agricultural tourism destination.

Ayon kay Provincial Tourism Officer Chris Racelis, ilan sa mga isinasaalang-alang at natukoy na nila ay ang Balay-Buhay sa San Rooque, Irosin at ang isa pang bukirin sa bayan ng Pto. Diaz. Maging sa mga lugar ng Castilla, Juban, Casiguran at maging sa distrito ng Bacon ay marami na ring nalinang at mauunlad nang mga bukirin.

Kaugnay nito, balak nila diumanong gawing destinasyon ng mga turista ang mga lugar na ito habang ang mga produktong agrikultural na makukuha mula dito ay maaari namang ilagay sa Sorsogon Provincial Tourism kiosk na hindi magtatagal ay bubuksan na rin sa publiko.

Ipinaliwanang naman ni Provincial Board Member at Tourism Committee Chair Eric Ravanilla kung papaanong matututunan sa agricultural tourism ang simple subalit mahahalagang aral sa buhay at maging ang muling pakikiisa sa kalikasan tulad na lamang ng simpleng pag-akyat sa puno ng kahoy, pakikinig sa mga huni ng ibon, pamimitas ng mga bulaklak at bunga ng puno, paglanghap ng sariwang hangin at marami pang iba.
                                                                                          
Ayon pa sa kanya, matututunan din ng mga kabataan ang kahalagahan ng pagtatanim, kung saan nanggaling at papaano nakuha ang mga pagkaing nakikita nila sa hapag-kainan.

Positibo din si Ravanilla na magiging mabili sa mga turista ang agricultural tourism lalo pa’t karamihan na ngayon sa mga nasa urban na lugar ay naghahanap ng naiiba at lugar bakasyunang malayo sa buhay lungsod. (PIA Sorsogon)



No comments: