Wednesday, August 31, 2011

Brgy. Balogo kauna-unahang nakabuo ng CBDRM at Contingency Plan


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Agosto 31 (PIA) – Binigyang komendasyon ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Management Office (SPDRMO) ang barangay Balogo sa lungsod ng Sorsogon dahilan sa ito ang kauna-unahang barangay sa buong lalawigan na nakabuo ng Community-Based Disaster Risk Management (CBDRM) at Contingency Plan.

Sa impormasyong ipinaabot ni Public Information Officer ng SPDRMO Vol Labalan, sa halos ay sampung mga kunsideradong ‘vulnerable’ areas sa Sorsogon na nakilahok sa isinagawa nilang Community-Based Disaster Risk Management Training (CBDRMT) kamakailan,, ang Brgy. Balogo ang kauna-unahang nakabuo ng isang plano kung saan laman nito ang kanilang mga isasagawang hakbangin bago pa man magkaroon ng kalamidad, sa panahon na may nagaganap na kalamidad at makaraang daanan ng kalamidad ang kanilang lugar.

Sa isinagawang plano, inilahad nito kung paanong napipinasala ang Brgy. Balogo sa tuwing nagkakaroon ng mga kalamidad.

Ayon kay Punong Barangay ng Balogo Cyril Encinas, hindi mapipigilan ang kalamidad, bagkus mababawasan ang epekto nito sa pamamagitan ng pagpaplano at pag-organisa ng mga sistimatikong paraan na susundin at mahigpit na ipatutupad sa komunidad.

Sa ilalim ng Resolution No. 14 series of 2011, na may petsang July 12, 2011, naisabatas ng Brgy. Balogo ang gagawing pagtugon ng kanilang komunidad alinsunod sa mga nakapaloob sa CBDRM at Contingency Plan..

Dahil dito, inaasahan ang pagiging ganap na “model barangay” ng Balogo na hihikayat sa iba pang mga barangay upang sila rin ay magsagawa ng hakbang at bumuo ng sarili rin nilang CBDRM at Contingency Plan.

Samantala, sinabi naman ni Labalan na ang pagtatapos ng naturang dokumento ay hindi maituturing na hangganan sa responsibilidad ng mga barangay officials, lalo na sa mga disaster operations, sapagkat magsisilbi itong isang malaking hamon na mapapatunayan kung gaano kaepektibo, sa tuwing may umiiral na kalamidad.

“Ang Community-Based Disaster Risk Management and Contingency Plan ay unang hakbang lamang sa pagpupunyagi ng bawat komunidad tungo sa katuparan bilang pamamaraan ng Disaster Risk Reduction,” dagdag pa niya. (PIA Sorsogon)




No comments: