Thursday, November 10, 2011

‘Round-the-clock’ na suplay ng tubig sa Sorsogon City, tiniyak


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Nobyembre 10 (PIA) – Totoo sa pangako nitong bigyan ng maayos na serbisyo ang mga kunsumidor ng tubig sa lungsod, inihayag ng pamunuan ng Sorsogon City Water District (SCWD) na sinimulan na nila ang kanilang operasyon ng ‘round-the-clock water production’ noong Oktubre 15, ngayong taon.

Alinsunod sa inilabas na memorandum ni SCWD general manager Engr. Ronaldo G. Barbono, inatasan nito si SCWD production head Engr. Jonathan G. Fortades na mag-iskedyul ng dalawampu’t-apat (24) na oras na operasyon sa suplay ng tubig upang maisulong ang magandang kalidad ng tubig at maayos na serbisyo ng SCWD sa mga kunsumidor.

Matatandaang bago pa man ipalabas ang direktiba, nagkaroon na ng malawakang inspeksyon ng mga pipeline at water meter sa nasasakupan ng SCWD at lahat ng mga luma, sira at mga hindi na gumaganang mga kagamitan ay pinalitan na.

Malaking tulong din sa 24/7 operasyon ng suplay ng tubig ang pagkakalagay ng Variable Frequency Drive (VFD) sa Bibincahan Pumping Station. Ito ang ikaapat na pumping station dito na nalagyan ng VFD.

Ayon kay Fortades bago ang pagpapatupad nila nito, labing-walong oras lamang na serbisyo sa tubig ang nakakayang isuplay ng SCWD, subalit sa ngayon, maliban sa dalawampu’t-apat na oras na ang suplay nito ay nakakatiyak pa ang mga kunsumidor ng mas malinis pang suplay ng tubig dito. (PIA Sorsogon)




No comments: