Tuesday, December 6, 2011

Consultation Meeting sa pagpapababa ng greenhouse gas emission isasagawa


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Disyembre 6 (PIA) – Isasagawa bukas, Disyembre 7, ang isang stakeholder’s consultation meeting para sa gagawing pagpapatala o registration sa ilalim ng Clean Development Mechanism (CDM) ng United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC) ng Bacon Manito Geothermal Power Plant 3 (BMGPP3) Project o ang tinaguriang “The Project”, ang proyekto ng Energy Development Corporation (EDC) na matatgpuan sa bahagi ng lalawigan ng Albay at Sorsogon.

Sa pahayag ni Eduardo Jimenez, Senior Supervisor ng Community Development Partnerships Department ng EDC, sinabi niyang sa pamamagitan ng pagpupulong na ito ay matutulungan silang mapatotohanan ang pagnanais nitong maitayo ang isang proyektong makapagbibigay ng magagandang epekto sa kapaligiran.

Ayon pa sa kanya, layunin ng proyektong makakuha ng mga enerhiyang napapalitan (renewable energy) gamit ang indigenous geothermal steam kung saan sa pamamagitan nito ay mababawasan ang gamit ng non-renewable fossil fuel na ginagamit sa paggawa ng elektrisidad.

Positibo ang EDC na malaki ang maiaambag ng proyektong Bacon Manito Geothermal Power Plant 3 sa sustainable development policy ng Pilipinas at epektibong makakabawas sa greenhouse gas emission ng mundo.

Maliban sa mga direktang sangkot at katuwang sa pagpapatupad ng proyekto, bukas din ang nasabing consultation meeting sa publiko o sa sinumang interesadong makapagbibigay ng mga mahahalagang input para sa mas epektibong pagpapatupad ng BMGPP3 Project. (PIA Sorsogon)




No comments: