Tuesday, December 13, 2011

Search for 10 Outstanding Students of Sorsogon muling binuhay ng Rotary Club of Metro Sorsogon


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Disyembre 123 (PIA) – Muling binuhay ngayong taon ng Rotary Club of Metro Sorsogon ang Search for Ten Outstanding Students of Sorsogon (TOSS) bilang tugon na rin sa pambansang adyenda ng pamahalaan na makabuo ng mga kabataang magiging globally competitive.

Ayon kay Rotarian Ed Balasta, nais nilang makabuo ng mga kabataang indibidwal na maaaring makasabay sa pandaigdigang kumpetisyon hindi lamang sa larangan ng edukasyon kundi maging sa aktibong pakikilahok sa mga aktibidad pangkomunidad at iba pang extra-curricular activities.

Sa pamamagitan umano ng proyektong ito ay mahihikayat ang mga paaralan na linangin ang potensyal ng kanilang mga mag-aaral para sa mas mataas pang lebel ng mga patimpalak tulad ng Ten Outstanding Students of the Philippines (TOSP).

Mula sa limampu’t apat na mga aplikante mula sa iba’t-ibang mga paaralan sa sekundarya at kolehiyo sa buong lalawigan ng Sorsogon, pito ang napiling pinakamagaling na mag-aaral mula sa sekundarya habang tatlo naman mula sa kolehiyo.

Tumanggap ang lahat ng nanalo ng certificate of commendation at tropeo habang may ekstrang cash gift naman para sa mga nanalo sa secondary level.

Matatandaang taong 2008 nang simulan ng Rotary Club of Metro Sorsogon ang Search for Ten Outstanding Students of Sorsogon kung saan malayo na rin ang narating ng mga nanalong mag-aaral dito.

Isa sa mga nanalo sa ginawang patimpalak noong 2008 ay mula sa Magallanes High School kung saan nananatili ito ngayon sa bansang Japan bilang recipient ng Japan-East Asia Network of Exchange for Students and Youths (Jenesys) program at napili din bilang public relation officer ng environmental park sa South Korea.

Nanalo naman sa tertiary level si Jovelyn Giga ng Sorsogon State College–Bulan Campus at Melvin Frivaldo at Jayson Castillo ng Computer Communication Development Institute (CCDI). Si Frivaldo ay napili din bilang 2011 Ten Outstanding Student of Bicol at naging delegado din ng bansang Pilipinas sa isinagawang International Youth Fellowship ngayong taon. (PIA Sorsogon)

No comments: