Monday, January 16, 2012

Panibagong paglabag sa RA 9165 muling naitala; mga suspetsado arestado


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, January 16 (PIA) – Muli na namang nakaiskor ang pinagsanib na pwersa ng Sorsogon Police Provincial Intelligence Office, Sorsogon Provincial Public Safety Company Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Force (SPPSC-AIDSOTF) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Sorsogon laban sa mga nagtutulak ng droga sa Sorsogon matapos ang isinagawang buy-bust operation noong Biyernes, Enero 13, 2012 sa sentro ng Olondriz St, Brgy Cogon sa bayan ng Juban, Sorsogon.

Huli sa akto ng paglabag sa Sec 5 na may kaugnayan sa Sec 26-B Article II ng RA 9165 o mas kilala bilang “Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002” sina Russel Grefaldeo y Higuit @ Banoy, 34 taong gulang, walang trabaho, walang asawa at residente ng South Poblacion Juban at si Maximino Marjalino y Napili alyas “Boboy”, 28 taong gulang, isang welder, may-asawa at residente ng Brgy Taboc Juban.

Nakuha mula sa mga ito ang isang sachet ng pinagdududahang mga tuyong dahon ng marijuana, isang libo at limang-daang piso na ginamit bilang marked money, isang yunit ng Nokia cell phone, dalawang piraso ng disposable ligther at perang nagkakahalaga ng limangdaan pitumpu’t-apat na piso.

Ang marijuana ay isa sa mga pinaka-naabusong droga habang nangunguna naman ang shabu o methamphetamine, base na rin sa tala ng mga nahuhuli ng PDEA.

Subalit ayon kay PDEA Provincial Intelligence Officer Raul Natividad, ang cocaine ay isa na ngayon sa unti-unti nang nagiging mabenta sa lokal na industriya ng droga. Ngunit kinumpirma nitong wala pa silang naitatalang nahuli sa Sorsogon maging sa rehiyon ng Bikol dahilan sa paggamit ng cocaine.

Ayon pa kay Natividad umaabot sa P5,000 hanggang P6,000 bawat gramo ang halaga ng bentahan ng shabu habang P70 naman bawat gramo ang bentahan ng marijuana.

Samantala, tiniyak ng PDEA na kontrolado pa rin ang sitwasyon ng droga sa lalawigan at katuwang ang mga ahensya ng pamahalaan ay hindi nila titigilan ang giyera laban sa ipinagbabawal na gamot hanggang sa tuluyan nang masugpo ang paggamit nito. (MHatoc/PIA Sorsogon)

No comments: