Friday, February 3, 2012

LGU-Magallanes desididong ipatupad ang pagbabawal sa paggamit ng mga sisidlang di-nabubulok


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Pebrero 3 (PIA) – Matapos mailathala sa mga lokal na pahayagan ang ordinansa bago matapos ang 2011, desido ang pamahalaang bayan ng Magallanes na ipatupad ang pagbabawal sa paggamit ng mga tindahan, groserya at iba pang mga establisimyento ng mga sisidlang hindi nabubulok.

Ayon kay Municipal Councilor Michael S. Villanueva, may-akda ng Municipal Ordinance No 05-2009, ito ang nakikita nilang pinakamabisang tugon sa pagpapatupad ng pamahalaang nasyunal ng Republic Act 7160 kung saan binibigyang kapangyarihan nito ang mga Local Government Unit (LGU) na magpatupad ng mga hakbang upang maaayos na mapamahalaan at mamantini ang balanseng ekolohiya sa kanilang mga nasasakupang lugar.

Isa umano ang paggamit ng mga lalagyang di-nabubulok sa praktis ng mga mamamayan ng Magallanes kung saan nagiging malaking ambag sa pagkalat ng mga basura at pagkakabara ng karamihan sa mga daluyan ng tubig sa kanilang lugar dahilan upang magkaroon ng mga pag-apaw ng tubig.

Nagiging dahilan din umano ito ng pagkakakontamina ng lupa at pagkakamatay ng mga hayop lalo kung napagkakamalan nilang pagkain ang mga maliliit at napunit na mga plastik.

Kaugnay nito, ipapatupad na ang pagbabawal sa paggamit ng mga plastik na balot, bag, styrofoam at iba pang mga di-nabubulok na bagay bilang sisidlan sa mga pinamili ng mga kunsumidor sa bayan ng Magallanes.

Sa halip ay hinikayat ng Sangguniang Bayan na maging malikhain ang mga mamamayan at negosyante sa paggamit ng mga pamalit sa sisidlang ito na maaari ding magbigay ng oportunidad pangkabuhayan at pagkakakitaan ng mga ito.

Pinapayuhan din ng ordinansa ang mamimili na magdala ng bayong, katsang bag, sako bag o iba pang mga kahalintulad o re-usable bag na paglalagyan ng kanilang mga pinamili.

Mahaharap din umano sa mga penalidad ang mahuhuli at mapapatunayang lumabag sa ipapatupad na batas ng lokal na pamahalaan ng Magallanes.

Ayon naman sa mga negosyante, mahihirapan sila sa pagsunod dito subalit handa umano silang sundin ito, subalit binigyang-diin ng mga ito na dapat ding makiisa ang mga mamamayan upang mas epektibong matugunan ang pagpapatupad sa hakbang na ito. (PIA Sorsogon)


No comments: