Wednesday, February 22, 2012

Simultaneous 2012 1st Quarter National Earthquake at Fire Drill pinaghahandaan na


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Pebrero 22 (PIA) – Pinaghahandaan na ng mga kasapi ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ang nakatakdang Simultaneous 1st quarter National Earthquake and Fire Drill sa unang araw ng Marso ngayong taon na pangungunahan ng Bureau of Fire Protection Provincial Office sa pamumuno ni Provincial Fire Marshall Achilles Santiago at ng 903d Infantry Brigade sa pamumuno ni Commanding Officer Col. Felix Castro Jr.

Sa komunikasyong ipinadala ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director at Office of Civil Defense (OCD) Administrator Undersecretary Benito Ramos sa mga Chairperson, Regional/Local Disaster Risk Reduction and Management Council at OCD Regional Director, nakasaad dito na kailangang magsagawa ng 2012 1st Quarter Earthquake at Fire Drill kasama na ang pagsasagawa ng Information, Education and Communication (IEC) campaign bilang tugon sa atas ng RA 10121 at sa pagkakaroon ng kahandaan sa posibilidad ng pagkakaroon ng tsunami sakaling magkaroon ng malakas na pagyanig o lindol.

Ayon kay Provincial Information Officer Von Labalan, isa itong nasyunal na aktibidad kung saan ang lahat ng mga probinsya, lungsod at bayan ay hinihikayat na sumabay dito sa layuning maipaabot sa mga mamamayan ang kahalagahan ng pagiging alerto sa mga kalamidad at trahedyang maaaring tumama lalo pa’t nasa Pacific Ring of Fire ang Pilipinas na naglalantad dito sa mga kalamidad tulad ng lindol at tsunami.

Bilang pakikiisa naman ng Department of Education Sorsogon Schools Division, nagpadala na rin ng komunikasyon si OIC Assistant Schools Division Superintendent Danilo Despi sa iba’t-ibang mga pinuno ng pampublikong paaralan sa lalawigan na suportahan at makiisa sa gagawing Earthquake Drill, alas nuebe ng umaga at Fire Drill, alas dos ng hapon sa unang araw ng Marso, 2012.

Magsasagawa din ng oryentasyon para sa mga guro bago ang aktwal na pagsasagawa ng earthquake at fire drill upang maipaliwanag sa mga ito ang kahalagahan ng aktibidad.

Napagkasunduan din ng mga kasapi ng PDRRMC ang iisang sistemang susundin ng mga paaralan, mga ahensya ng pamahalaan at iba pang mga tanggapang makikiisa sa gagawing pagsasanay upang gawing makatotohanan ito. (SPDRMO/BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: