Thursday, March 29, 2012

Mahigpit na seguridad ipinatutupad sa Sorsogon City


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 29 (PIA) – Mahigpit ang seguridad na ipinatutupad ngayon sa Sorsogon City kaugnay ng pagdating ni Senator Antonio Trillanes III at pagbubukas ng isang malaking tindahan dito kung saan may mga artistang inaasahan ding darating.

Pananuhing pandangal si Senator Trillanes sa gagawing commencement exercises ng Sorsogon State College (SSC) alas tres mamayang hapon at inaasahang magkakaroon din ito ng pakikipagtalastasan sa ilang mga taga-media at lider ng lalawigan.

Naging malaki naman ang pasasalamat ng SSC sa pangunguna ni SSC president Dr. Antonio Fuentes maging ng mga mag-aaral at magulang ng paaralan sa pagpayag at pagbibigay panahon ng Senador upang maging keynote speaker sa kanilang college commencement exercises ngayong taon.

Samantala, simula pa kaninang alas-sais ng umaga ay nakapwesto na ang mga kapulisan sa mga istratehikong lugar sa kabisera ng lungsod partikular sa kahabaan ng Magsaysay St. kaugnay ng isinagawang re-routing scheme ng mga behikulong papasok sa Magsaysay St.

Ang pagpapatupad ng re-routing ay kaugnay ng pagbubukas ng isang malaking tindahang sikat sa buong bansa na isa sa mga uukupa sa gusaling mas kilala bilang dating “Shopping Center” ng lungsod.

Ang mga bus at kahalintulad na malalaking behikulong byaheng Southbound ay dapat na dumaan lamang sa Diversion Road. Ang mga traysikel na papuntang East District at dadaan sa Magsaysay St. ay dapat na manatili lamang sa right lane, habang ang mga dyipni ay dadaan sa kalsada ng Brgy. Burabod.

Inaasahan ang pagdagsa ng publiko lalo pa’t may ilang mga kilalang personalidad sa showbiz ang darating upang magpasinaya sa nasabing pagbubukas ng malaking tindahang ito, maliban pa sa ilang mga malalaking paaralan dito na magdaraos din ng kanilang graduation exercises ngayong araw. (BARecebido, PIA Sorsogon)




No comments: