Tuesday, April 10, 2012

Semana Santa mapayapang natapos; transaksyon sa mga tanggapan balik na sa normal


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, April 10 (PIA) – Balik na sa normal ang transaksyon ngayon sa mga tanggapan dito, pampamahalaan man o pribado, pati na ang mga bangko matapos ang mahabang bakasyon kaugnay ng pag-obserba ng Semana Santa.

Sa pagtatasa ng Philippine National Police Sorsogon, maliban sa insidente ng pagkakakuryente ng isang labing-anim na taong gulang na lalaki kahapon sa isang beach resort sa Bacon District Lungsod ng Sorsogon, walang naitalang mga negatibong insidente kaugnay ng naging aktibidad ng Semana Santa sa Sorsogon lalo na sa lungsod kung kaya’t nagpaaabot ng pasasalamat ang mga ito kaugnay ng pakikiisa at suporta ng mga Sorsoganon dahilan upang mamantini ang kapayapaan at kaayusan sa panahon ng Semana Santa.

Ayon sa ulat, nagkaroon ng family outing ang pamilya ng nabiktima ng pagkakakuryente kung saan balak sanang isasaksak ang cellphone charger nang makuryente ito sanhi ng isang bukas na kawad ng kuryente na isinisisi sa kapabayaan ng pamunuan ng Raymond Beach Resort.

Samantala, naging busy naman ang pangunahing lansangan ng Sorsogon City mula umaga hanggang hapon noong Sabado y Glorya dahilan sa mga parada ng iba’t-ibang mga paaralan dito na nagdiwang ng kanilang school reunion at general alumni homecoming. Punuan din ang mga beach resort, bar at mga restaurant dito kaugnay na rin ng kabi-kabilang mga batch at family reunion.

Samantala, hindi naman naikubli ng nakararaming mga pasahero ang pagkairita kahapon dahilan sa malaking kakulangan sa transportasyon tulad ng bus at van pabalik ng Maynila at maging papunta ng Lungsod ng Legazpi. Ilang mga pasahero ang inabot ng halos anim na oras sa paghihintay ng kanilang masasakyan dahilan upang maraming mga manggagawang pabalik sa kani-kanilang trabaho sa Maynila ang anila’y hindi na makakaabot sa tamang oras at liliban na lamang ngayong araw.

Sa ulat naman ng Philippine Coast Guard Sorsogon Station, sinabi ni PO2 Rico Gabion na lubos na matagumpay ang pag-obserba ng Semana Santa ngayong taon sa Sorsogon lalo na’t wala silang naitalang anumang mga suliranin at negatibong epekto sa buong panahon ng Kwaresma.

Aniya, kung ikukumpara noong nakaraang taon mas kakaunti ang mga pasaherong dumagsa sa tatlong malalaking pantalan ng Sorsogon. Sa pinakahuling datos na isinumite sa kanila, umabot sa 1,535 ang pasaherong naserbisyuhan sa pantalan ng Matnog. Wala pa umanong naisusumite sa kanilang ulat ukol sa bilang ng mga pasaherong naserbisyuhan ng mga pantalan ng Pilar at Bulan sa panahon ng Semana Santa.

Nagpapatuloy din ang Oplan Summer Vacation ng mga awtoridad dito dahilan sa dumadagsa pa ring mga bakasyunista ngayong summer.

Mahigpit pa ring binabantayan ng mga kapulisan ang mga matatao at dinarayong mga beach resort at iba pang mga destinasyong panturismo partikular na ang Butanding Interaction sa Donsol, Bulusan Lake sa Bulusan, Forest sa Pto. Diaz, Orok Spring sa Casiguran, mga korales sa Barcelona at marami pang iba.

Sa kasalukuyan ay nasa Donsol ang grupo ng BBC World upang magsagawa ng documentary shot at media coverage ng pamosong Butanding, Firefly Watching at iba pang magagandang destinasyon sa lugar kasama na ang mga turistang dumadayo dito. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: