Monday, June 25, 2012

Mga nabiyayaan sa Phil. Independence Day 2012 Jobs Fair umabot sa 114


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 25 (PIA) – Sa nakaraang pagdiriwang ng ika-114 taon ng Independence Day ng Pilipinas, 453 na mga Sorsoganong naghahanap ng trabaho ang nairehistro ng Public Employment Services Office (PESO) at Provincial Human Resource Management Office (PHRMO) ng Sorsogon.

Ayon kay Provincial Government Department Head ng PHRMO Lorna Hayag, sabay sa bilang ng pagdiriwang ng ika-114 taong anibersaryo ng kasarinlan ng bansang Pilipinas ay ang pagbibigay oportunidad din sa 114 na mga Sorsoganon na matanggap at makakuha ng maayos na trabaho kung saan 109 sa kanila ay natanggap para sa local employment habang lima naman dito ay natanggap upang makapagtrabaho sa ibang bansa.

Aniya sa 453 na naghanap ng trabaho, 372 ang nais magtrabaho sa loob ng bansa habang 81 sa kanila ay nais makakuha ng trabaho sa labas ng Pilipinas. May mga ilan din umanong maari pang matanggap sakaling maipasa ng mga ito ang kulang pa nilang mga rekisitos.

Dagdag pa ni Hayag, 11 mga ahensya ang nakilahok sa jobs fair para sa local employment habang apat naman para sa overseas employment.

Ang Jobs Fair ay isinagawa ng PESO at PHRMO upang matulungan ang mga Sorsoganong naghahanap ng trabaho na makakuha ng de-kalidad na trabaho, maiangat ang labor force at mabawasan ang kahirapag nararanasan ng bawat pamilya sa lalawigan.

Nanawagan din Hayag sa mga hindi pinalad na matanggap sa ginawang jobs fair na huwag mawalan ng pag-asa bagkus ay gamitin ang mga karagdagang tip na nakuha nila mula sa ginawang pag-aplay at gawin itong inspirasyon para sumubok uli sa susunod na pagkakataon. (BArecebido, PIA Sorsogon/MHatoc)




No comments: