Monday, July 2, 2012

Sorsogon humakot ng pinakamaraming panalo sa Saringgaya Awards 2012


LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 2 (PIA) – Inilabas na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Bicol ang mga nanalo sa Saringgaya Awards ngayong taon kung saan ang pinakamaraming mga nominado mula sa lalawigan ng Sorsogon ang nabigyan ng parangal at napabilang na sa listahan ng mga Saringgaya Awardee.

Sa ika-labingdalawang taon ng pagkilala ng DENR Bicol sa mga indibidwal, organisasyon at mga institusyon na may mga natatanging programa at pamamaraan sa pagmamahal at pangangalaga sa kalikasan, nabigyang pagkilala at parangal ang mga sumusunod mula sa Sorsogon: Lokal na Pamahalaan ng Pilar sa pamumuno ni Mayor Dennis Sy-Reyes sa kategoryang Local Government Unit (LGU), dahilan sa pagbibigay ng maayos at epektibong programang pangkabuhayansa mga Pilarenos sa bahaging agricultural, pangisdaan at handicraft kasama na ang tamang pangangalaga sa kapaligiran; Bacolod Elementary School ng Juban, Sorsogon sa kategoryang akademya dahilan sa pagsabay nito ng environmental education sa kurikulum at sa natatanging pagpapatupad nito sa loob ng kanilang paaralan; Department of Education – Division of Sorsogon sa kategoryang Other Government Agency, dahilan sa epektibong pagpapatupad nito ng mga programang pangkapaligiran; Habang nabigyan naman ng Plaque of Recognition si Rosalia Enerio, Barangay Kagawad ng Bucalbucalan Sorsogon City, dahilan sa kanyang inisyatiba na pangalagaan at protektahan ang mga puno ng akasya at molave na nag-eedad na ng 100 taon na nasa baybayin ng Sorsogon Bay.

Nakuha din ng Energy Development Corporation (EDC) ang parangal sa kategoryang malalaking industriya dahilan sa natatanging pamamahala, pagprotekta at mahigpit na pagsunod sa kanilang Environmental Compliance Certificate (ECC).

Samantala, ang iba pang mga parangal ay nakuha ni Edna San Juan Balane, Municipal Agriculturist ng pamahalaang lokal ng Cabusao, Camarines Sur; Aboitiz Power Renewables, Inc. Multi-Partite Monitoring Team; at ng Unibersidad ni San Antonio (USANT) ng lungsod ng Iriga.

Ang paggawad ng parangal ay ginawa bilang bahagi ng culminating activity ng Environment Month ngayong taon na ginanap sa lungsod ng Legazpi noong ika-29 ng Hunyo.

Ang Saringgaya ay isang salitang Bikolnon na ang ibig sabihin ay kasaganaan, kaunlaran at kapaligirang puno ng mga berdeng kakahuyan at kabundukan na maaaring panirahan ng mga bio-diversity at mga nasa balanseng eco-system.   (BRecebido, PIA Sorsoogn/RMendones, DENR-RPAO)


No comments: