Tuesday, September 11, 2012

Ilang polisiya ng Philhealth nilinaw


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, September 11 (PIA) – Nilinaw ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) ang kanilang patakaran sa benepisyong ibinibigay sa mga kasapi at deklaradong dependent ng kasapi ng Philhealth.

Ayon kay Philhealth Sorsogon Member Services Division Head Marian Garcia, maaring makabenepisyo ng makailang ulit ang kasapi ng Philhealth at dependent nito ng hospitalization benefit sa magkakaibang uri ng sakit, subalit sa magkatulad na sakit, sinusunod nila ang one-time confinement ng benepisyaryo.

Aniya, sa magkatulad na sakit, maaaring magamit muli ang Philhealth hospitalization benefit makalipas ang 90 araw o tatlong buwan, subalit kung magkaiba ang sakit, kahit pa nakapaloob ito sa 90 days confinement, matatamasa pa rin ng pasyente ang philhealth hospitalization benefit.

Nilinaw din niya na hidi pinapayagan ng Philhealth ang multiple claim o pagdeklara ng isang dependent ng dalawang kasapi ng Philhealth.

Ibinigay niyang halimbawa ang mag-asawang kapwa kasapi ng Philhealth na may isang anak, dapat umanong isa lamang sa kanila ang magki-claim sa anak bilang dependent at hindi maaaaring gawing kapwa dependent nila ito. Kung may dalawa o higit pang anak, pag-usapan na lang umano ng mag-asawa kung paanong paghahatian kung sino sa mga anak nila ang idedeklarang dependent ng bawat isa sa kanila.

Ipinaliwanag din niya na sakaling hindi na makapaghulog sa Philhealth ang isa sa mag-asawa dahilan sa maaaring nawalan ng trabaho o wala nang panghulog, maaari umanong ilipat bilang benipisyaryo ang anak sa asawang nananatiling kasapi ng Philhealth. Kailangan lamang umanong sundin ang sumusunod na proseso: pumunta sa tanggapan ng Philhealth, magdala ng birth certificate o baprismal certificate ng anak, dapat na ang mag-asawa ay kapwa magpi-fill-up ng Philhealth Member Registration Form (PMRF) subalit yaong maglilipat ng dependent ay dapat na ideklara sa dokumento na “for omission” o tatanggalin na ang pangalan ng anak sa listahan ng kanyang dependent.

Samantala, sa pagpoproseso ng mga dokumento ng Philhealth, tiniyak ni Garcia na aabutin lamang ng dalawa hanggang limang minuto ang mga transaksyon sa kanilang tanggapan, depende umano kung on-line sila at sa dami ng kliyente nila sa partikular na oras. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: