Monday, December 3, 2012

Librong tumatalakay sa mahahalagang obserbasyon tungkol sa Sorsogon ilalabas na


Ni: Bennie A. Recebido

The Author: Dr. Higino A. Ables, Jr.
LUNGSOD NG SORSOGON, Disyembre 3 (PIA) – Ilalabas na sa publiko bukas ang librong isinulat ng isang Sorsoganon na pinamagatang “We Are In The Same Boat: Recollections, Impression, Admonitions”.

Alas singko bukas ng hapon ilulunsad sa Provincial Museum sa Capitol Compound, Lungsod ng Sorsogon ang nasabing libro na isinulat ni Dr. Higino A. Ables, Jr., isang retiradong propesor ng University of the Philippines Los Banos (UPLB).

Ayon sa may-akda, magiging interesado ang mga Sorsoganon na basahin ang librong ito lalo’t naglalaman ito ng mga mahahalagang obserbasyon tungkol sa Sorsogon, noon, ngayon at ang maaaring maging kahihinatnan ng Sorsoogn sa darating na mga taon.

"Saan man tayo manirahan, ano man ang maging paniniwala natin, magkakatulad pa rin ang ating pangangailangan, hangarin at suliranin. Ang pagkakatulad na ito ng ating pangangailangan ang magtututro sa ating lahat upang matuto at mamuhay ng mapayapa sapagkat lahat tayo ay nasa iisang bangka," pinaliwanag ng may-akda kung bakit “We Are In The Same Boat” ang ipinamagat niya sa libro.

May mahahalang tip o pabatid din umano sa libro na maaaring makatulong sa mga guro sa pamamahala at pagbibigay payo sa mga mag-aaral.

Nahahati naman sa apat na bahagi ang libro. Ang unang bahagi na pinamagatan niyang “Where We Live,” ay tungkol sa Sorsogon, sa isang bayang naaala ng may-akda noong siya ay bata pa.

Ang ikalawang bahagi na pinamagatan niyang “How We Live,” ay tumatalakay sa responsibilidad ng mga mamamayan, pansariling kasiyahan at mga nakakatuwang anekdota ukol sa pagiging makakalimutin.

Tinalakay din dito ang tipikal na pamumuhay, ligtas na pagmamaneho at mabuting pag-uugali pati na rin ang tama at hindi tamang paggamit ng kapangyarihan.

Sa ikatlong bahagi ay may mga rekomendasyon naman para sa edukasyon sa kolehiyo at kung papaanong mapapatatag pa ang mga unibersidad at paaralang pangkolehiyo sa bansa.

Sa ikaapat at huling bahagi ay ang maikling sariling-talambuhay ni Dr. Ables. Ikinuwento niya dito ang kanyang pinagmulan at kamusmusan hanggang sa maging iskolar sya ng 4-H Club sa UPLB, ipadalang iskolar ng kaparehong paaralan sa abroad, bumalik at maging propesor sa UPLB at magretiro dito noong 2004.

Ang libro na inedit ni Ferdie M. Aragon ay may 154 na pahina. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: