Monday, January 14, 2013

Business One-Stop Shop ng LGU-Sorsogon City nagpapatuloy


photo: flickriver.com

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 14 (PIA) – Sinimulan na ng pamahalaang lungsod ng Sorsogon ang kanilang taunang Business One-Stop Shop (BOSS) noong nakaraang linggo, Enero 7, 2013.

Ang Business One-Stop Shop ay naglalayong mapabilis ang pagkuha o pag-renew ng mga negosyante ng kanilang permit at lisensya upang patuloy na makapagnegosyo sa lungsod.

Ayon kay City Permit and Licensing OIC Division Chief Rodel Ferreras, hanggang sa Sabado, Enero 19 na lamang ang gagawing Business One-Stop Shop ng Sorsogon City kung kayat hinikayat niya ang mga negosyante sa lungsod na samantalahin ang pagkakataong ito upang mas mapadali ang pag-aayos ng mga dokumento at pagkuha nila ng kanilang mga lisensya para sa taong 2013.

Aniya, taon-taon na nilang ginagawa ang BOSS upang hindi na mahirapan pa sa paglakad ng kanilang mga papeles para sa pagrenew o pagkuha ng permit at lisensya ang mga negosyante sa lungsod ng Sorsogon.  

Makikita umano ang iba’t-ibang mga tanggapan ng pamahalaan na sangkot sa pagpoproseso ng mga dokumentong kailangan upang makapag-renew o makakuha ng permit at lisensya nang sa gayon ay malayang makapagpatuloy ng operasyon ang mga negosyante dito. Kabilang na dito ang Bureau of Internal Revenue (BIR), Department of Trade and Industry (DTI), Bureau of Fire Protection (BFP) at iba pang mga tanggapan.

May telibisyon ding nakabukas at ibinibigay na libreng kape para sa mga negosyanteng naghihitay habang inaasikaso ang pagpoproseso ng kanilang mga papeles. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: