Monday, April 8, 2013

Anti-Epal” Campaign ilulunsad sa Sorsogon



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Abril 8 (PIA) – Kaugnay ng mga reklamong nakakarating sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) higit na pina-igting ng DSWD ang kanilang Information, Education and Communication (IEC) campaign nang sa gayon ay maiwasan ang maling haka-haka at pagkalito ng mga benepisyaryo ng mga programang ipinatutupad ng pamahalaan partikular ang “Pantawid Pamilyang Pilipino Program” (4Ps).

Isa sa mga aktibidad na nakatakdang gawin ng DSWD ay ang paglulunsad ng “Bawal ang Epal Dito” Campaign sa lalawigan ng Sorsogon sa darating na Huwebes, Abril 11, 2013, mula alas dyes ng umaga hanggang alas-dose ng tanghali na gaganapin sa Paradise Resort, Pangpang, Sorsogon City.

Matapos ang gagawing pagbibigay ng mensahe ng mga tagapagsalita, isang open forum at covenant signing din ang nakatakdang gawin sa pagitan ng media, mga parent leader, partner agency at DSWD.

Ayon kay DSWD Regional Director Arnel B. Garcia, ang kampanyang ito ay naglalayong maalis ang mga “epal” sa pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan lalo na ang 4Ps at mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga benepisyaryo nito na walang sinumang pulitiko maaaring magtanggal sa kanila sa listahan.

Tanging ang DSWD Regional at National Office lamang umano ang may kapangyarihan at awtorisadong magtanggal ng benepisyaryo sa listahan, subalit magagawa lamang ito kung hindi nasunod ng benepisyaryo ang mga kondisyong itinakda ng programa.

Una nang namahagi ng mga “anti-epal” flyers at mga babasahin ang DSWD sa Sorsogon at nagbukas din ito ng isang programa sa Radyo Natin Sorsogon na isinasahimpapawid alas onse hanggang alas dose ng tanghali tuwing Biyernes na naririnig din sa mga lalawigan ng Masbate, Camarines Sur at Camarines Norte.

Samantala, hinihikayat naman ng pamunuan ng DSWD ang sinuman na magsumbong sa kanilang tanggapan sakaling mayroong mga nananakot, nagdidikta, nagbibigay ng maling impormasyon o mga EPAL (mapapel) na nagsasabing tatanggalin sa listahan ng 4Ps ang isang benepisyaryo kung hindi ito at ang pamilya nito susuporta o boboto sa isang pulitiko.

Maari umanong itawag ang mga sumbong sa numerong (052) 480-5754 o sa 480-5347 o magsadya sa tanggapan ng 4Ps o ng DSWD. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: