Wednesday, April 17, 2013

Philhealth nagsasagawa ng validation at mapping ng mga kasapi nito



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Abril 17 (PIA) – Kaugnay ng ipinatutupad na Universal Coverage ng Philhealth ng pamahalaang nasyunal, umiikot at bumibisita ngayon sa mga tanggapan at mga business establishment ang dalawang kinatawan ng Philhealth Sorsogon upang magsagawa ng validation at mapping ng mga kasapi ng Philhealth.

Ayon kay Philhealth Sorsogon SIO1 Vic Ardales nais umanong makamit ng Philhealth ang target nilang mai-enrol ang lahat ng mga kwalipikadong Pilipino sa tinatawag na Universal Coverage alinsunod sa itinatakda ng Republic Act 7875 na binago naman ng Republic Act 9241.

Dagdag pa niya na ang ginagawa nilang ito ay bilang pagtupad din sa Rule III at sa Section 14 at 18 ng nabanggit na batas.

Ayon sa nakatalaga sa Section 14, lahat ng mga empleyado kabilang na ang mga kasambahay at mga sea-based Overseas Filipino Worker (OFW) ay obligadong maging kasapi ng Philhealth, habang nakasaad naman sa Section 18 na lahat ng mga government at private employer ay obligadong irehistro ang kanilang mga empleyado sa Philhealth at dapat na bigyan ng permanente at sariling Philhealth Identification Number.

Aniya, nais din umano ng Philhealth na matukoy ang aktwal na bilang ng mga employer at empleyado na rehistrado at saklaw nito at ang kabuuang populasyon kabilang na ang mga dependent na saklaw ng nasa business, government at provate sector. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: