Tuesday, May 28, 2013

Bulusan Volcano Pre-emptive Action Plan Briefing isinagawa ng SPDRRMO

Si Ginoong Manro Jayco habang nagpapaliwanag sa mga kalahok.
Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, May 29 (PIA) – Isang pulong ang ipinatawag kahapon ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (SPDRRMO) upang ipaliwanang sa mga kasapi ng Provincial Incident Command System (ICS) ang mga dapat gawin sakaling maulit sa Mt. Bulusan ang naganap na phreatic explosion ng Mt. Mayon noong Mayo 8, 2013.

Ayon kay Search and Rescue Team Leader Manro Jayco ng SPDRRMO, dapat na maintindihan ng mga kinauukulan ang tamang hakbang na dapat gawin sakaling biglaang maging aktibo ang Mt. Bulusan nang sa gayon ay walang buhay na mabubuwis.

Sa ganitong uri umano ng kalamidad dapat na maipatupad ang tinatawag na full safety parameters ng sinumang reresponde.

Kasama sa 4-km Permanent Danger Zone ang mga bayan ng Casiguran, Juban, Irosin, Bulusan, Barcelona, at Gubat. Sa mga bayang nabanggit, ang mga bayan ng Casiguran, Juban, Irosin, at Bulusan ang may mga komunidad na direktang maapektuhan at dapat na agarang mailikas.

Sakali umanong maganap ito, dapat na handa ang lahat ng mga kakailanganin mula sa mga tauhang gaganap, kagamitan at mga pagkain. Aniya, mahalagang alam ipatupad ng mga kinauukulan ang Group at Cluster Approach, at agarang maitayo at mapagalaw ang Incident Command System sa mga panahong nagkakaroon ng sakuna o kalamidad.

Ipinaliwanag din ni Jayco ang organizational set-up ng ICS sa provincial level; operation section field set-up; Group Response Approach (GRA); Cluster Response Approach (CRA); at Branch Response Approach (BRA). Ipinakita din niya ang Bulusan Volcano Hazard Map upang higit na maunawaan ang mga posibleng komunidad na maaaring maapektuhan ng aktibidad ng bulkan.

Samantala, nananatiling nasa Zero Alert level ang Bulkang Bulusan at patuloy pa ring pinapayagan ang mga nais umakyat na mga turista at mountaineers sa nasabing bulkan. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments: