Friday, May 10, 2013

PNP Concert para sa mapayapang eleksyon isinagawa sa Sorsogon

PRO5 Band sa Camp Escudero

Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Mayo 9 (PIA) – Hindi natinag ng ulan ang ginawang aktibidad ng mga kapulisan ng Sorsogon Police Provincial Office (SPPO) nitong Miyerkules, Mayo 8, 2013 sa isang libreng Peace Concert na ginawa sa Camp Salvador C. Escudero, Sr., Sorsogon City.

Ayon kay Sorsogon Police Provincial Director PSSupt Ramon S. Ranara, kasama ang ginawang konsyerto sa kanilang inisyatiba na mapa-igting pa at masustinihan ang pagpapatupad ng pampublikong seguridad partikular ngayong magkakaroon ng halalan.

Tinagurian nilang “Konsiyerto Kan Kapulisan Para sa Matoninong na Eleksyon”, nais nilang imulat ang kamalayan ng publiko sa kanilang pulitikal na karapatan at makakuha na rin ng suporta mula sa mga kasapi ng civil society group, mga prupesyunal, non-partisan group, ahensya ng pamahalaan at iba pang grupo upang matiyak na kaisa ang mga ito ng PNP sa pagkamit ng maayos at patas na halalan ngayong 2013.

Kumanta din si Prov'l Dir. Ranara
Suportado din ng Philippine Army ang nasabing aktibidad at sa pahayag ni Col. Teody T. Toribio, Commanding officer ng 31st Infantry Battallion, sinabi nitong kaisa sila ng PNP sa hangaring magkaroon ng tapat, maayos at payapang halalan. Sinabi ni Col. Toribio na hindi lamang ngayong eleksyon dapat na magkaisa ang mga Pilipino kundi sa lahat ng panahon sapagkat ang pagkakaisa ang susi sa tunay na kapayapaan at kaunlaran. Dagdag pa niya na maging sila ay ayaw na rin ng karahasan, kundi nais nilang mas maging kaakit-akit pa ang Sorsogon bilang isang payapang komunidad nang sa gayon ay mas maabot pa ng bawat kasapi ang pangarap nitong pag-unlad ng kanilang pamumuhay.

Isinalaysay naman ni PNP Provincial Director Ranara ang mga hakbang na ginawa nila bilang paghahanda upang matiyak ang seguridad ng halalan sa Lunes. Pinasalamatan din nito ang mga inimbita nilang panauhin at maging ang publiko sa suportang ipinakita ng mga ito sa PNP.

Tampok sa nasabing konsyerto ang Police Regional Office 5 (PRO5) Band at civilian performer na buong pusong nagpakita ng kanilang talento sa musika at nagpakita ng pagmamahal sa kapayapaan. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments: