Tuesday, July 30, 2013

Huling araw ng voter’s registration hanggang bukas na lang

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 30 (PIA) – Sa kabila ng rekomendasyon ng ilang mga bagong magrerehistrong botante at mga opisyal sa barangay na habaan pa ang araw ng pagpapatala ng mga bagong boboto sa halalan sa Oktubre ngayong taon, determinado ang Comelec na tapusin na ang voter’s registration sa Hulyo 31, 2013.

Ayon kay Comelec Sorsogon Provincial Election Supervisor Atty. May sinusunod din silang mga patakaran ukol sa pagpaparehistro at nais din nilang alisin ang kaugalian ng mga Pilipino na kung kailan nasa huling araw na saka lamang dadagsa upang magpatala.

Maging sa mga araw ng Sabado at Linggo ay bukas din ang kanilang opisina alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon upang tumanggap ng mga magrerehistrong botante.

Aniya may dalawang araw pang natitira mula ngayong araw hanggang bukas upang makahabol pa ang mga nais magparehistro. Nanawagan din si Atty. Aquino sa mga Sorsoganon na samantalahin ang pagkakataong makapagparehistro bilang mga lehitimong botante.

Pila-pila naman ang mga nagpaparehistro sa mga tanggapan ng Municipal at City Comelec dito habang may mga ilan ding naitalang nahimatay dahil sa gutom at pagod na rin.

Hanggang kahapon ay dagsa pa rin ang mga magrerehistrong botante at inaasahang mas madaragdagan pa ito bukas.


Samantala, noong nakaraang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Election 2010, umabot sa 29,661 ang kabuuang bilang ng mga nagparehistrong SK at 28,126 ang bumoto habang umabot naman sa 391,277 ang kabuuang bilang ng nagparehistrong botante sa barangay at 308,213 ang bilang ng mga bomoto. (BARecebido, PIA Sorsogon) 

No comments: