Monday, July 22, 2013

Positibong resulta sa Sorsogon ng ipinatutupad na BPLS ng pamahalaan inihayag ng DILG at DTI

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 22 (PIA) – Sa pangatlong taon ng panunungkulan ng Pangulong Benigno Aquino III, inaani na ng mga mamamayan at maging ng pamahalaan ang ilan sa mga mahahalaga at positibong resulta ng mga programang ipinatutupad ng kanyang administrasyon.

Isa na rito ang Business Permit and Licensing System (BPLS) na malaking tulong sa pagsasaayos ng sistema ng byurukrasya sa pamahalaan.

Sa pinakahuling ulat ng Department of Interior and Local Government (DILG) Sorsogon nitong Hulyo 12, 2013, ipinatutupad na sa 14 na mga munisipalidad, isang lungsod  at maging ng Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon ang aprubadong Standard Unified Form sa kani-kanilang mga hurisdiksyon. Katumbas nito ay isangdaang porsyento ng pagpapatupad ng BPLS sa lalawigan ng Sorsogon.

May binuo ding Provincial Task Force na nagsasagawa ng mga paglilibot upang matiyak na naipatutupad ang repormang BPLS.

Sa pinagsamang ulat ng DILG at ng Department of Trade and Industry (DTI) na kapwa mga pangunahing ahensya ng pamahalaan na nagpapatupad ng BPLS, inilatag nito ang mga positibong resulta ng bagong sistema ng pagkuha ng business permit at lisensya ng mga negosyante.

Tampok sa mga resultang ito ang pagkakatatag ng Business One Stop Shop (BOSS) sa bawat Local Government Unit (LGU) at kung dati ay 13 ang dadaanang proseso ng pagkuha ng permit at lisensya ng mga negosyante ay nabawasan na ito ngayon sa limang prosesong dapat daanan. Mula naman sa dating siyam na lalagda o signatories, tatlo hanggang lima na lamang ang kinakailangang lalagda sa pagproseso ng permit at lisensya sa negosyo kung kaya’t mas nagiging mabilis ito at hindi na kailangang maghintay pa ng matagal ang kliyente.

Ayon naman kay DTI Public Information Officer Senen Malaya, mula sa average na 30 araw bago makuha ang permit at lisensya ng mga negosyante ay aabutin na lamang ito ng isang araw kung renewal ang transaksyon, at hindi naman lalagpas sa limang araw para sa mga bagong magpapatala o kukuha nito.

Sa Comparative Performance ng unang tatlong LGU sa Sorsogon na nagpatupad ng BPLS mula taong 2010 hanggang 2012, lumalabas na tumaas ang bilang ng mga kumuha ng business permit ng walong porsyento sa Sorsogon City, siyam na porsyento sa bayan ng Bulan at 16 porsyento sa bayan ng Pilar.
Sa bahagi naman ng investment mula taong 2010 hanggang 2012, tumaas naman ng 10 porsyento ang Sorsogon City, 14 porsyento sa Bulan at 150 porsyento naman sa Pilar.

Ang BPLS Reforms Program na nasa ilalim ng pagsubaybay ng DILG at DTI Regional Office V katuwang ang Local Government Academy (LGA) na pinondohan ng Agencia Espanola de Cooperacion Internacional para el Desarollo (AECID) sa ilalim ng proyektong Strengthening Local Government in the Philippines (SLGP).


Layunin nitong matugunan ang isa sa Millennium Development Goal (MDG) sa pamamagitan ng pagpapalakas o pagpapatatag pa ng fiscal collection efficiency ng mga LGU. Inaasahang sa pamamagitan nito ay mapapataas pa ang mga buwis na nalilikom ng mga lokal na pamaghalaan upang mapunuan ang pagsisikap ng pamahalaang nasyunal na maipatupad ang istratehiyang “Byaheng Pinoy: Tapat na Palakad, Bayang Maunlad”. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: