Tuesday, November 5, 2013

Fish Conservation Week ipinagdiwang sa bayan ng Casiguran


LUNGSOD NG SORSOGON, Nobyembre 4 (PIA) – Naging makabuluhan para sa mga Casiguranon ang naging pagdiriwang ng Fish Conservation o FishCon Week nitong nakaraang Oktubre.

Ayon kay Casiguran Mayor Ester Hamor, naantala man ang selebrasyon dahil sa preparasyon para sa Kasanggayahan Festival, hindi pa rin ito naging hadlang upang gawing makabuluhan ang isinagawang mga aktibidad kaugnay ng pagdiriwang na ito.

Isa sa mga naging aktibidad ang pagkakaroon ng coastal clean-up sa Barangay Central na nagbigay daan upang higit pang mapukaw ang kamalayan ng mga residente ukol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng malinis na dalampasigan. Nagtulong-tulong naman sa paglinis sa dalampasigan ang mga boy scouts kasama ang ilang mga sundalo, mga kinatawan ng lokal na pamahalaan at ang Barangay Fisheries and Aquatic Resources Management Council (BFARMC). Sila din ang nanguna sa pagtatanim ng mga bakawan sa isa sa mga kostal na barangay sa Casiguran, ang Barangay Tulay.

Noong ika-dalawampu’t-apat ng Oktubre ang siyang naging pinakasentro at siya ring huling araw ng selebrasyon kung saan buong araw ay punung-puno ng mga gawaing nakatuon sa pagpapalaganap ng kahalagahan ng mga yamang-dagat at paghikayat sa mga tao na tumulong sa pangangalaga ng mga yamang-dagat na ito para sa mga susunod pang salinlahi.

Matapos ang isang misa na sinundan ng parada ay nagsagawa ng demonstration at lecture ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na kinapalooban ng pagtalakay kung paano gumawa ng fish pen at fish cage at kung paano ang tamang pag-alaga sa mga primerang klase ng lamang-dagat tulad ng lapu-lapu, bangus at sugpo.

Ipinakita naman ng LGU-Casiguran ang kanilang buong suporta sa pangunguna ni Mayor Ester Hamor. Itinuon niya ang kanyang mensahe sa pagbibigay ng abot-abot na pasasalamat sa lahat ng mga lumahok at nakiisa sa naturang selebrasyon at tiniyak nitong handa ang lokal na pamahalaan ng Casiguran na sumoporta sa mga programang tiyak na kapupulutan ng aral at magbibigay ng benepisyo hindi lamang sa kanyang mga nasasakupan kundi maging sa kung ano ang makabubuti sa kapaligiran.

Ang Fish Conservation Week celebration ay alinsunod sa Proclamation Number 176 na inilabas noong Oktubre 21, 1963 at ipinagdiriwang tuwing Oktubre 13 hanggang Oktubre 19. Ngayong taon, ang Pilipinas ay nagdiriwang ng 50th FishCon week na may temang, “Pangisdaang Pinagyaman Ngayon, Henerasyong Sagana sa Panghabang Panahon.” (BARecebido, PIA-5/Sorsogon/IRDF)

No comments: