Tuesday, November 12, 2013

Mga Sorsoganon malaki ang pasalamat sa pagkakasalba mula sa bagyong “Yolanda"


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Nobyembre 11 (PIA) – Malaki ang naging pasalamat ng mga Sorsoganon dahilan sa pagkakasalba ng buong lalawigan at ng buong rehiyon ng Bicol mula sa hagupit ng bagyong “Yolanda,  ang itinututring na pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan hindi lamang sa bansa kundi maging sa buong mundo, subalit labis na ikinalungkot din dito ang naganap sa ibang bahagi ng bansa partikular sa rehiyon ng Visayas.

Naniniwala silang ang malakas na pananampalataya , panalangin at ang naging maagap at maagang paghahanda ng mga kinauukulan dito lalo na ng Provincial, City at Municipal Disaster Risk Reduction Council (DRRMC) ang dahilan ng pagkakasalba at pagkamit ng layuning zero casualty.

Matatandaang Nob. 1 pa lamang ay nagpalabas na si Sorsogon Gov. Raul R. Lee ng mga adsvisory at memorandum sa lahat ng mga kinauukulan para sa kaukulang paghahanda at upang maiwasan ang malakihang danyos sakaling tumama ang bagyo sa lalawigan.

Naging mahigpit din ang ginawang pagmamanman sa mga lugar kung saan malaki ang posibilidad ng pagtaas ng tubig tulad ng Cadac-an River sa Juban at Irosin at ng mga lugar na posibleng mgkaroon ng pagguho ng lupa tulad ng Mt. Vintacan na nasa boundary ng Bulan, Magallanes at Juban at maging ang kabundukan ng Matnog lalo pa’t sa kauna-unahang pagkakataon ay nahati ang Sorsogon sa dalawang storm warning signal, Signal No. 4 sa Southern Sorsogon at Signal No. 3 sa iba pang bahagi ng Sorsogon.

Sa ipinadalang tala ng Provincial DRRM Office noong Sabado, umabot sa 19,069 na pamilya na binubuo ng 26,224 na mga indibidwal mula sa 14 na mga bayan sa Sorsogon ang nanatili sa mga evacuation center hanggang sa tuluyang makaalis ang bagyong “Yolanda”. May mga ilang bayan na hindi naitala ang bilang ng mga indibidwal na inilikas at tanging bilang ng mga pamilya lang ang naitala.

Umabot din sa 1,599 ang mga naistranded na pasahero, 85 truck, 45 bus, at 25 na maliliit na sasakyan ang naitala ng Coast Guard Station Sorsogon sa Pilar at Matnog habang wala naming naitala sa Bulan.

Alas-dose ng Sabado, Nob. 9, ay tuluyan nang nakabyahe ang lahat ng mga sasakyang pandagat sa lahat ng mga pantalan sa Sorsogon. Nananatili naman ang paalala sa mga mangingisda ng mga dapat sundin sa paglalayag sa panahong may sama ng panahon.

Tuluyan namang naalis sa banta ng bagyong “Yolanda” ang Sorsogon Biyernes ng hapon, Nobyembre 8. (BARecebido, PIA-5/Sorsogon)

No comments: