Thursday, January 6, 2011

BAGONG TAON MATIWASAY NA IPINAGDIWANG NG MGA SORSOGANON


Tagalog News

SORSOGON PROVINCE (Jan 3) – Alertado at mahigpit ang pagpapatupad ng kaayusan at seguridad ng mga kapulisan at mga awtoridad trapiko sa muling pagbabalik eskwela, trabaho at normal na transaksyon sa lalawigan ng Sorsogon dahilan upang maging panatag ang sitwasyon dito hanggang sa kasalukuyan.

Sa nakalipas na selebrasyon ng pasko at pagsalubong sa bagong taon ay naging matagumpay naman ang naging kampanya ng PNP matapos na walang maitalang indiscriminate firing at mga major untoward incidences dito.

Ayon kay PNP Sorsogon Provincial Director PSSupt. Heriberto Olitoquit na ang mapayapa at matagumpay na aktibidad nitong nakaraang pasko at bagong taon ay isang indikasyon ng ipinapakitang suporta ng publiko maging ng mga awtoridad sa pagmantini sa seguridad, kaayusan at katahimikan ng komunidad.

Sinabi din ni Olitoquit na mahigpit pa rin niyang pinatututukan ang mga bus terminal maging ang malalaking pantalan dito sa lalawigan upang maiwasan ang anumang mga pananamantala o krimeng maaaring maganap lalo pa’t dagsa pa rin hanggang sa ngayon ang mga pasaherong bibyahe mula dito sa Sorsogon patungong Maynila at sa iba pang panig ng bansa.

Samantala, nagpasalamat din ang pamunuan ng Provincial Health Office sa suportang ipinakita ng mga mamamayan dahilan upang maging zero casualty ang naging pagsalubong dito ng bagong taon. Wala aniya silang naitalang isinugod sa ospital na naputulan ng alinmang bahagi ng katawan o di kaya’y nadisgrasya sanhi ng mga paputok.

Sinabi ni Provincial Health Officer Dr. Edgar Garcia na naging matagumpay ang “Oplan Iwas paputok’ campaign ng DOH dahilan na rin sa pakikiisa ng publiko. Aniya, magkagayunpaman ay nananatili pa rin sila sa code white alert hanggang sa unang linggo nitong Enero.

Ayon naman sa ilang mga obserbador, nakatulong ng malaki ang mahigpit na police visibility sa mga matataong lugar at maging ang patuloy na pag-uulan nitong mga nakaraang araw hanggang sa kasalukuyan, upang maiwasan ang mga kriminalidad at maging ang mga disgrasya sanhi ng paputok. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: