Thursday, January 6, 2011

Medical mission magbibigay ng libreng operasyon ngayong buwan ng Enero


Tagalog News

SORSOGON PROVINCE (Jan 4) – Magandang balita ang hatid ng pagsisimula ng taong 2011 sa lahat ng mayroong suliranin sa kalusugan at nagnanais na maoperahan subalit kapos sa gastusin, sapagkat nakatakdang dumating ngayong buwan dito sa lalawigan ng Sorsogon ang mga kilala at ekspertong doctor mula sa ibang bansa.

Ang D’Bicolanos and Friends Foundation Incorporated na mula sa Estados Unidos ay muling magsasagawa ng libreng operasyon para sa mga Sorsoganon.
Unang darating ang grupo ng mga surgeons na magsasagawa ng operasyon sa hernia, cyst, goiter at gallbladder mula Enero 17 hanggang 21. Habang ang ikalawang grupo naman ang magsasagawa ng operasyon sa cleft palate, myoma, OB at iba pang mga gynecological problems mula Enero 23 hanggang 28. Lahat ng operasyon ay gagawin sa Dr. Fernando Guran, Sr. Hospital o mas kilala sa bilang Sorsogon Provincial Hospital.

Ayon sa tagapagsalita ng D’Bicolanos and Friends Foundation Incorporated, dapat na makipag-ugnayan ang sinumang interesadong mga taga-barangay sa mga Rural Health Units ng kanilang lugar, o sa District hospitals sa kanilang munisipalidad o ospital ng lalawigan para sa kaukulang screening, laboratory procedures at iba pang mga detalye upang maka-avail nito.

Pinaalalahanan naman ni Provincial Health Officer Dr. Edgar Garcia ang lahat ng nagnanais na makabenipisyo ng nasabing libreng operasyon, maliban doon sa mga cleft patients na kinakailangang mayroon silang kasabay na dalawang blood donors sa araw ng screening.

Matatandaang taon-taong nagsasagawa ang D’Bicolanos and Friends Foundation Inc. ng libreng operasyon dito sa lalawigan na naisakatuparan sa pagsisikap na rin ni Sorsogon Governor Raul Lee na mapangalagaan ang kalusugan ng mga mamayan ng Sorsogon at bilang bahagi rin ng pagpapatuloy ng HEARTS program ng lalawigan. (Von Labalan, PIO/BAR, PIASorsogon)


No comments: