Thursday, January 27, 2011

News Release


“Task Force Magdalena” muling bubuhayin
Bennie A. Recebido

Sorsogon City, January 27 – Sa ginawang regular na sesyon ng Sangguniang Panlungsod noong Martes, iminungkahi ni Sorsogon City West District Councilor Nestor Baldon sa konseho ang pagkakaroon ng inquiry at re-activation ng “Task Force Magdalena”.
         
Ang “Task Force Magdalena” ay binuong grupo ng pamahalaang lungsod ng Sorsogon ilang taon na ang nakakaraan upang sumubaybay sa prostitusyon sa Sorsogon City, subalit dahilan sa pagpapalit ng mga administrasyon ay hindi na ito gaanong napagtuunan ng pansin.

Ayon kay Baldon, nakakatanggap siya ng mga ulat na mayroong apat na panggabing establisimyento sa labas at mismong dito sa bisinidad ng lungsod na nagpapakita ng mga hubad na palabas at nagiging daan ng prostitusyon.

Aniya, kung hindi agad masosolusyunan ito, hindi lamang ang pagkalat ng sexually-transmitted disease ang magiging suliranin ng komunidad kundi maging ang paglaki din ng bilang ng mga magugulo at watak-watk na pamilya.

Partikular din niyang pinangalanan ang isang lugar sa isang barangay dito sa bisinidad ng lungsod na siyang nagiging kalakalan ng mga kababaihan at lugar-hintayan ng mga kustomer.

Sa taya ni Baldon, halos ay dalampu’t limang porsyento ng kita ng mga kalalakihang may-asawa ang nagugugol sa ganitong mga bisyo kung kaya’t nasasakripisyo ang halagang dapat ay para sa pang-araw-araw na pangangailan sana ng kanilang pamilya.

Iminungkahi din ni Baldon ang re-activation ng “Task Force Magdalena” upang makontrol ang lumalalang prostitusyon o kung di man ay matulungan man lang ang mga babaeng nasasangkot sa ganitong uri ng hanapbuhay sa pamamagitan ng pagbibigay ng health care services, counseling at maging ng suportang pangkabuhayan. (PIA Sorsogon)



No comments: