Wednesday, February 23, 2011

Tagalog News Release


Bayan ng Bulan pinakaapektado sa pinakahuling pag-alburuto ng Bulkang Bulusan
By: Bennie A. Recebido
       
Sorsogon City, (PIA) – Sa naganap na huling pag-alburuto ng Bulkang Bulusan noong Lunes ng umaga, ang bayan ng Bulan ang konsideradong pinakaapektado.

Sa ipinalabas na ulat ni Bulan municipal administrator Luis De Castro noong Lunes, 85% ng kanilang area of responsibility ang naapektuhan ng abo ng bulkan at kahit pa nga hindi nila inaasahan ang naging pangyayari na sinasabi nilang una pa lang sa kasaysayan ng Bulan, ay nagawa pa rin nilang mabilisang tugunan at pamahalaan ito.

Sinabi ni De Castro na bagama’t mayroong “early warning device” na sirena ang Bulan, hindi pa rin umano naging madali para sa kanya ang pagpapabatid nito sa mga taga-Bulan lalo’t dumalo sa isang training dyan sa lungsod ng Legazpi ang lahat ng mga barangay officials ng araw iyon kung kaya’t nag-deploy na lamang siya ng local media sa istasyon ng radyo sa Bulan upang abisuhan ang mga tao na patuloy na makinig sa mga paalala at manatili lang sa mga tahanan at paaralan.

Walang naganap na paglilikas sa mga designated evacuation centers subalit sa limampu’t-pitong mga barangay na sakop ng bayan ng Bulan, anim lang sa mga ito ang hindi nakaranas ng matinding ashfall, kabilang dito ang Brgy. Danao; J. Gerona; Namo; Quezon; R. Gerona, at Sagrada. Dalawampung mga mag-aaral din ang naitalang hinimatay sanhi ng suffocation.

Dalawang taong gulang na bata din ang naitalang namatay sa brgy. Zone 5, Bulan kahapon lang pasado alas syete ng umaga. Kinilala ang batang si Michael Celso, isang special child na dating nang may hika at mahina ang baga.

Ayon kay Nestor Celso, ama ng biktima, dahil diumano sa brown-out ay inilabas niya si Baby Michael sa kanilang bahay upang pahanginan, nang magsimulang bumagsak sa kanilang lugar ang abo galing sa Mt. Bulusan at hindi nila ito napaghandaan, kung kaya’t hindi nila nalagyan ng face mask ang bata.

Aniya sa buong maghapon ay naging maayos naman si Baby Michael, subalit kinagabihan ay nagsimula na itong umubo, nahirapang huminga at nanghihina na, kung kaya’t agad nilang dinala ito sa doktor subalit hindi na ito umabot.

Agad naman aniyang bumisita ang kinatawan ng Bulan Municipal Social Welfare and Development Office at tiniyak namang handa silang magbigay tulong sa kanila.

Sa ngayon ay inaantabayanan pa rin natin ang opisyal na beripikasyon mula sa doktor na tumingin sa bata upang matiyak kung calamity related incident ang pagkakasawi nito. Tumanggi na rin ang pamilya na isailalim pa sa awtopsiya ang bata at nagdesisyon na rin silang ipalibing na ito mamayang hapon.

Samantala, patuloy naman ang assessment ng lokal na pamahalaan sa epekto ng naganap na aktibidad ng bulkan, lalo na sa agrikultura, water sources at kalusugan ng mga mamamayan.

Patuloy pa rin ang pagsasagawa ng flushing at paglilinis sa mga abo at pinayuhan na nila ang mga mamamayan na pakuluin ang tubig na kanilang gagamitin. Nakatakda ring magsagawa ng tulong-tulong na clean-up drive sa buong bayan ng Bulan ngayong araw upang maalis na ang mga abong hanggang sa ngayon ay mapanganib pa rin sa mga mamamayan. (PIA Sorsogon)

No comments: